LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Pinagsama-sama ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa inilunsad na eGov PH Super App ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Kabilang sa kasalukuyang alok nito, sa ilalim ng Phase 1, ang National Digital ID, National Government Services, Tourism at eTravel, Electronic Payments (eGovPay) at Banking Services, eReceipt, eLGU, Jobs and Manpower (eJobs), Philippine Startup Empowerment Program, Philippine Investment Program, SIM Card Registration, at People’s Feedback Mechanism (eReport).
Sa pang-rehiyong paglulunsad ng pagdiriwang ng 2023 National Information and Communications Technology (ICT) Month sa Bulacan State University, hinikayat ni DICT Regional Director Antonio Edward Padre ang mga kabataan na ibahagi sa mga nakakatandang hindi pamilyar sa ICT ang teknolohiyang iniaalok ng eGov PH Super App.
Libreng madodownload ang app sa Google Play Store (para sa Android) at Apple Store (para sa IOS) pero para ma-acess ang mga feature nito ay kailangang i-authenticate o validate ang account sa pamamagitan ng Philippine Identification System ID.
Tiniyak ng ni Padre na sumailalim sa istriktong preliminary audit ang app mula sa resident cybersecurity experts ng ahensya.
Katuwang ng DICT sa app ang may 26 ahensya tulad ng Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, Department of Tourism, LandBank of the Philippines, Government Service Insurance System, Social Security System, Mindanao Development Authority, pamahalaang panlalawigan ng Isabela, Philippine Health Insurance Corporation, at Land Transportation Office.
Kapartner din ang Department of Foreign Affairs, Anti-Red Tape Authority, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Treasury, Department of Social Welfare and Development, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund), National Printing Office, Council for the Welfare of Children, Maritime Industry Authority, Philippine Commission on Women, Credit Information Corporation, National Commission for Senior Citizens, Philippine Economic Zone Authority, at Commission on Higher Education. (CLJD/SFV-PIA 3)
Hinikayat ni Department of Information and Communications Technology Regional Director Antonio Edward Padre (pangalawa mula sa kanan) ang mga kabataan na ibahagi sa kani-kanilang mga magulang at mga nakakatandang kamag-anak ang wastong paggamit sa eGov PH Super App. Ito'y upang mas maging madali ang pagtamo ng iba't ibang serbisyo ng gobyerno. (Shane F. Velasco/PIA 3)