No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pang-ekonomiyang mga serbisyo, benepisyo tampok sa 2023 Pre-SONA Caravan sa Sorsogon

LUNGSOD NG SORSOGON, Sorsogon (PIA) – Mahigit isang libong mga residente mula sa lalawigang ito ang inaasahang dadalo sa gaganaping pre-SONA Caravan sa Sorsogon Provincial Gymnasium, sa lungsod na ito, Lunes, ika-5 ng Hunyo.

Ang SONA ay kumakatawan sa State of the Nation Address ng Pangulo ng bansa. Ang  pre-SONA caravan ay isang inisyatibo ng Philipine Information Agency (PIA) na nagbibigay ng pagkakataon sa iba’t-ibang  ahensya ng pamahalaang nasyonal na mai-ulat ang kani-kanilang mga nagawa at naibahagi sa mga Pilipino. Ipinapahayag din sa mga mamamayan tuwing SONA  kung ano na ang estado ng bansa sa ilalim ng pamamahala o pamumuno ng kasalukuyang adminstrasyon.

Ang pre-SONA Caravan sa Sorsogon sa ilalim ng temang “Nagkaka1sang Bumabangon” ang pangalawang serye ng pre-SONA ngayong taon.  Unang idinaos ang caravan noong ika-10 ng Mayo sa lungsod ng Las Piñas  sa National Capital Region. Dito ay ibinahagi sa sambayanan ang mga pangunahing nagawa sa unang taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa umaga ng Lunes ay idadaos ang Serbisyo Caravan na inaabangan na ng daan-daang Sorsoganon upang makakuha ng libreng serbisyo mula sa humigit-kumulang 16 na mga ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga ahensyang makikibahagi sa Serbisyo Caravan ay ang Department of Health (DOH), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Labor and Employment (DOLE), Population Commission (PopCom), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Land Transportation Office (LTO), Social Security System (SSS), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education Skills and Development Authority (TESDA), Department of Agriculture (DA) Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Information Communications Technology (DICT).

Makikilahok din ang National Telecommunications (NTC) kasama ng ilang internet service providers,  Philippine Army at Philippine Health Insurance Corp. o Philhealth.

Sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office at Provincial Veterinary Office,  ang pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ay magbibigay din ng angkop na mga serbisyo.

Ang serbisyo caravan ay isa lamang sa maraming paraan ng pamahalaan na mailapit at maipaalam ang programa at serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan.

Samantala, ayon kay PIA Regional Head Ramil Marianito, isa sa mga posibleng ibahagi sa sambayanan ang malaking pagbabago sa sistema sa Matnog Port na nagawa dahil sa suporta ni Pangulong Marcos.

Ibinahagi rin ni Marianito ang socio economic benefits ng pantalan lalo na’t ito ang nagsisilbing daanan papuntang Visayas at Mindanao o Southern Philippines.

Ang malaking pagbabago sa Matnog Port ay sinimulan noong panahon ni dating gobernador at kasalukuyang Senador Francis “Chiz” Escudero at ipinagpatuloy at higit pang isinaayos at pinaunlad ng kasalukuyang nanunungkulan na si Governor Edwin "Boboy” Hamor.

PIA Bicol regional head Ramil A. Marianito. (PIA 5)

Sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., higit pang isinaayos ang sistema sa ilalim ng slogan ni Hamor na “Isistema ta an Sistema” (Isistema natin ang Sistema) o gawing maayos ang isang pamamalakad. 

Magiging pangunahing tagapagsalita sina PIA Director General Jose A. Torres Jr. bilang keynote speaker, Department of Transportation Assistant Secretary for Maritime Sector Julius A. Yano na tatalakay sa paksang “Port to Build Better Matnog” at National Economic Development Authority Undersecretary for Investment Programming Group Joseph J. Capuno na tatalakay sa paksang “Economic Impact of Matnog Port."

Tatalakayin naman ni PPA Matnog Port Terminal Management Office Acting Division Manager Achiles C. Galindes ang paksang “Port Management System.” 

Ilalahad ni Hamor ang kasalukuyang estado ng Matnog Port sa kanyang pambungad na pananalita, habang mensahe naman ng inspirasyon ang ihahatid nina Sorsogon 1st District Representative Bernadette G. Escudero at Sorsogon 2nd District Representative  Manuel L. Fortes Jr.

Inaasahang sa pamamagitan ng naturang pre-SONA event  ay makakabuo ng dagdag na mga ideya mula sa mga lokal na lider at mga kinauukulang ahensya ang pamahaaang nasyonal.  Pakay din nito ang maipakilala ang mas marami pang mga proyektong pangkaunlaran at makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa Matnog at maging sa mga karatig bayan nito.

Nais din ng pre-SONA event na maiparating sa kaalaman at atensyon ni Pangulong Marcos Jr. ang mga magagandang kaganapan sa Matnog at sa huli ay maisama sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 24.

Ang pre-SONA event ay bahagi din ng paghahanda para sa taunang tradisyon ng SONA kung saan inilalahad ng Pangulo ang kasalukuyang kalagayan ng bansa, mga layunin at tunguhin ng pamahalaan para sa darating na taon, at nagmumungkahi sa Kongreso ng mga hakbang para sa mahahalagang mga lehislatura. (PIA 5/Sorsogon) (PIA 5/Sorsogon)

About the Author

Benilda Recebido

Information Center Manager

Region 5

Benilda "Bennie" Recebido is the Information Center Manager of PIA Sorsogon.

Feedback / Comment

Get in touch