
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Patuloy na hinihikayat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Romblon ang publiko na mag-ingat kapag sila ay nasa cyberspace dahil lahat ng tao ay prone sa mga krimen online.
"Naniniwala kami na ang publiko ang prone sa cybercrime kahit ano pang gamit mo na device, mapa-analog man 'yan o smartphone. Paano ko nasabi 'yun, sa text scam kasi kahit analog nakakatanggap," ayon kay Engr. Samson Moscoso nang maging panauhin sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Hunyo 5.
Ayon kay Moscoso, para maging ligtas sa cyberspace ay siguraduhin na ang lahat ng binubuksang links, texts, at iba pang mensahe na "to good to be true" ay huwag paniwalaan lalo na umano ang mga scams na kunwari ay nanalo ng malaking papremyo online kahit wala namang sinasalihan na palaro.
"Halimbawa nanalo ka na ganito pero wala ka namang sinasalihang palaro. Pag may nakita kang ganun, magtaka ka na. Dito na pumapasok 'yung sinasabi nila na Think Before You Click," dagdag pa ni Moscoso.
Samantala, patuloy ang ginagawang trainings at seminars ng DICT sa mga pampublikong paaralan maging sa mga barangay kaugnay sa mga ganitong scams para matulungan ang publiko na maging mapanuri sa lahat ng natatanggap nilang mensahe.
"We have lots of trainings, and information caravan kaugnay dyan para 'yung mga taong 'yun ay hindi na mabiktima dahil mayroon na silang mga kaalaman kaugnay sa cybersecurity. Kasi without the knowledge, kayo talaga 'yung nagiging biktima ng mga ganyan," pahayag naman ni Wenna Mae Foja.
Bilang bahagi ng National ICT Month ngayong buwan ng Hunyo, ang DICT Romblon ay magsasagawa ng mga pagsasanay at information caravan sa ilang piling paaralan sa Odiongan kaugnay sa nasabing paksa. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)