No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PBBM isinusulong ang 'PRDP Scale-Up' para sa magsasaka't mangingisda


Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang iba't ibang mga stakeholder noong Martes na aktibong ipatupad ang P45.01 bilyon na Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up upang palakasin ang sektor ng agrikultura ng bansa. Ito aniya ay para sa kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga mamimili.

Sa isang pulong sa Malacañang kasama ang mga opisyal ng pamahalaan at ng World Bank (WB), iginiit ng Pangulo na kailangang mag-scale up at gawin ang mga kinakailangang bagay para mas mapalakasa pa ang agrikultura ng bansa. Ayon sa kanya, hindi lang dapat magtapos sa produksyon ang usaping pang-agrikultura, kailangan din mapag-usapan ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Ang PRDP Scale-Up ay ang unang proyektong mabilis na naaprubahan, dahil ito ay ipatutupad matapos lamang ang pitong buwan mula nang isumite ito para sa pagsusuri ng Department of Agriculture (DA) sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Karaniwan, ang mga proyekto ay inaaprubahan matapos ang tatlong taon.

Ayon sa Pangulo, kailangan ng pamahalaan na maibalanse ang lahat at tiyakin na ang mga magsasaka ay makapag-produce at kumita nang mas malaki habang mayroong sapat na suplay ng pagkain sa abot-kayang presyo para sa mga mamimili.

Tinukoy din ng Pangulo ang kahalagahan ng konsolidasyon at pagiging inklusibo, pati na rin ang paghahati ng collective Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) para magamit ang mga lupang agrikultural.

Ang orihinal na PRDP ay nagsimula noong 2014, na naglalayong magtatag ng modernong sektor ng agrikultura at pangisdaan na nakatuon sa value chain, kahandaan sa klima, pagbibigay ng mahahalagang imprastraktura, kagamitan, teknolohiya, mga negosyo, impormasyon, productivity, at pagiging competitive ng kanayunan.

Nagpapatuloy ngayon ang PRDP Scale-Up base sa mga nakamit ng naunang PRDP upang higit pang mapabuti ang pag-access ng mga magsasaka at mangingisda sa mga merkado para sa mas malaking kita.

Ang mga pangkalahatang estratehiya ng proyekto ay kasama sa mga pagsisikap ng pamahalaan para sa pananaw ng rehiyon sa pagtataguyod ng mga pangunahing agri-fishery investment areas, at ang pagsasama-sama at pag-consolidate ng mga farmer and fisherfolk cooperative associations (FCA) upang bumuti ang ekonomiya.

Ang pagpapasigla ng mga inobasyon ng PRDP sa pamamagitan ng institusyonalisasyon nito sa DA ay bahagi rin ng pangkalahatang strategic directions ng ahensya, kasama ang priority investments tulad ng pagpapatayo ng mga farm-to-market road (FMR) sa mga kanayunan.

Kasama rin sa direksyon ang pakikipagtulungan ng mga FCAs sa pribadong sektor para sa produktibong mga alyansa at mga kasunduan sa pamamahala ng enterprise facilities.

Sakop ng proyekto ang 82 lalawigan ng 16 na mga rehiyon ng bansa.  Tinutugunan nito ang mga FCAs, kasama ang mga cluster ng FCAs.

Sa kabuuang halaga ng P45.01 billion project, ang P33 bilyon ay manggagaling sa Official Development Assistance (ODA) loans mula sa World Bank, habang ang P5.57 bilyon ay manggagaling sa pambansang pamahalaan, at ang P6.44 bilyon ay pondong manggagaling sa mga LGUs at mga FCAs.

Inaasahang aaprubahan ng World Bank Board ang proyekto sa ika-29 ng Hunyo, at magaganap ang pagpirma ng loan sa Hulyo.

Kapag naaprubahan ang pautang, ang pagpapatupad ng proyekto ay sisimulan sa Agosto ng taong ito.

Inaasahang makikinabang sa PRDP Scale-Up ang humigit-kumulang na 450,000 na magsasaka at mangingisda at makapagtatag ng mga bagong trabaho na umaabot sa 42,000. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)

About the Author

Harlem Jude Ferolino

Job Order

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch