No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Puerto Princesa, pagtatayuan ng modernong training center ng TESDA – Sec. Cruz

Inanunsiyo ni TESDA Director General Secretary Atty. Danilo P. Cruz sa pasinaya ng bagong Provincial Training Center ng TESDA sa Brgy. Magara, Roxas, Palawan kamakailan na kasama ang Puerto Princesa sa pagpapatayuan ng moderno at makabagong training center. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Kasama ang Lungsod ng Puerto Princesa sa 17 lugar sa Pilipinas na pagtatayuan ng makabago at modernong Training Center ng Technical Education Skills and Development Authority o TESDA.

Ito ang inanunsiyo kamakailan ni TESDA Director General Secretary Atty. Danilo P. Cruz sa pasinaya ng bagong Provincial Training Center ng TESDA sa Brgy. Magara, Roxas.

Itatayo aniya ang nasabing training center sa Puerto Princesa School of Arts and Trade. Sinabi pa ni Cruz na robotic technology na ang mga kagamitang gagamitin sa mga pagsasanay sa nasabing training center.

“Gagamit tayo ng robotic simulator at iha-handle namin ang high level na mga pagsasanay. Kung gusto ng estudyanteng tumaas pa ang level ng training, hindi na NC II kung hindi NC IV, V o VI, doon nila kukunin sa innovation center,” pahayag ni Cruz.

Sinabi pa ni Cruz na dalawa ang pagmumulan ng pondo sa pagpapatayo ng mga training center, ito ay mula sa General Appropriation Act sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Asian Development Bank (ADB).

Ang mga naunang training center na naipatayo na sa Cebu, Davao, Samar, Bataan, Pangasinan at Isabela ay pinondohan ng General Appropriations Act at ito namang 17 innovation centers ay magmumula sa $100M loan package na inialok ng ADM sa gobyerno ng Pilipinas.

Limang training center ani Cruz ang mauunang itatayo ngayong 2023 na magmumula sa DBM ang pondo at ang training center naman na popondohan sa ilalim ng ADB ay sisimulan sa susunod na taon hanggang 2026 o kaya ay 2027.

Na-inspection na rin aniya ang lugar na pagtatayuan sa Puerto Princesa City at isasagawa na ang bidding nito ngayong taon, ngunit hindi nito matukoy kung ito ba ay sa ilalim ng pondo ng DBM o ADB.

Ang bawat training center o education center ay halos nagkakahalaga ng kalahating bilyong piso kasama na ang imprastraktura at mga kagamitan, ayon kay Cruz.

Ang pagtatayo ng mga modernong training center ay bilang paghahanda na rin sa mabilis na pagbabago ng mga teknolohiya.

“Kaya dapat talaga lifelong learning, walang katapusan na pag-aaral dapat sa ating mga manggagawa. Dapat makapag-produce tayo ng multi-skill, hindi lang isa ang skill na hawak mo, kailangan multi-skilled ka para magbago ang takbo ng industriya na pinapasukan mo,” pahayag pa ni Cruz.

Mag-aalok din ng mga pagsasanay ang TESDA na may kaugnayan sa turismo dahil ito ang pangunahing produkto ng lungsod at ng lalawigan.

Kasama rin sa plano na pagdating nang panahon ay ibibigay na sa mga Local Government Unit ang pamamahala ng mga TESDA Training Center dahil sila ang nakakaalam kung anong uri ng mga training o pagsasanay ang ibibigay sa kanilang mga mamamayan. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch