Itinaas ng PHIVOLCS ngayong 12:00 ng tanghali ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon dahil sa patuloy na pagtaas ng aktibidad nito na maaaring magdulot ng mapanganib na pagsabog. Nitong Hunyo 5 pa lamang ay itinaas na ito sa Alert Level 2.
LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) -- Kinumpirma ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Albay Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis ang patuloy na pagtaas ng aktibidad ng Bulkang Mayon, kasama na ang pagdami ng rock falls.
"Malalaking bato ang nahuhulog, which means that patuloy yung pressure sa ilalim na nagtutulak doon sa lava dome," saad niya.
Itinaas ng PHIVOLCS ngayong 12:00 ng tanghali ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon dahil sa "increased tendency towards a hazardous eruption mula sa pagdeklara nito sa Alert Level 2 nitong Hunyo 5.
"This means that the Mayon is exhibiting magmatic eruption of a summit lava dome, with increased chances of lava flows and hazardous Pyroclastic Density Currents (PDCs) affecting the upper to middle slopes of the volcano and of potential explosive activity within weeks or even days," saad sa PHIVOLCS Mayon Volcano bulletin.
Posibleng pagsabog
Ani Alanis, bagamat hindi pa matutukoy kung kailan ang posibleng pagsabog ng bulkan, dalawang scenario ang maaaring mangyari.
"Sa unang scenario baka nag iipon lang ng lakas ang Mayon na magkaroon tayo ng malaking eruption. Second scenario baka naman tahimik lang na maglalabas ng volcanic materials,'' saad ni Alanis.
Aniya, sa ngayon ay nagpapatuloy ang panganib na dala ng rock fall at iba pang pyroclastic flows mula sa lava dome.
Kanya na ring inirekomenda ang agarang evacuation ng mga natitirang residente at mahigpit na pagbabawal sa pagpasok at anumang aktibidad sa 6-kilometer PDZ.
“Dahil Alert Level 3 na, nagrecommend na po kami ng agarang evacuation kung may natitira pang residente sa 6-kilometer PDZ, at huwag na din pong magpapapasok sa area.
Nakasaad din sa PHIVOLCS bulletin ang posibilidad ng ash fall events sa Southern side ng bulkan dahil sa kasalukuyang wind pattern.