LUNGSOD NG MEYCAUAYAN (PIA) -- May 1,465 residente ng lungsod ng Meycauayan ang tumanggap ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Ito ay pinangasiwaan mismo nina Senate Committee on Health and Demography Chairperson Bong Go at Mayor Henry Villarica.
Ayon kay City Social Welfare and Development Officer Vilma Rupac, sumailalim muna ang mga benepisaryo sa pagtatasa ng kanilang mga social worker.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga solo parents, persons with disabilities, senior citizens na walang pension, mahihirap na kababaihan, LGBTQIA +, at drayber ng mga pampublikong sasakyan.
Tumanggap ang bawat isa ng P3,000.
Nakatanggap din ang mga benepisaryo ng grocery packs, vitamins, face mask, bisikleta at celpon para sa online na pag-aaral ng mga estudyante mula sa tanggapan ni Senador Go.
Ang AICS ay nagsisilbing safety net na mekanismo upang suportahan ang pag-ahon ng isang indibidwal mula sa hindi inaasahang krisis gaya ng sunog, pagkakasakit o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kalamidad at iba pang sitwasyon. (CLJD/VFC-PIA 3)
May 1,465 residente ng lungsod ng Meycauayan ang tumanggap ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)