LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) -- Sinimulan na sa Baliwag ang mga hakbang upang maisalin ang kasanayan at maparami ang susunod na henerasyon ng mga manlalala ng sambalilong Buntal.
Sa muling pagdadaos ng Buntal Hat Festival, nagsimula nang ituro sa Grade 3 sa mga paaralan sa Baliwag ang kamalayan sa kahalagahan ng paglalala ng sambalilong Buntal.
Ayon kay Acting City Tourism Officer Jesusa Garcia, mayroon na aniyang module para rito ang ipinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag na inaprubahan ng Department of Education (DepEd).
Kabilang sa laman ng module ang paggamit sa mga iginuhit na hugis sambalilong Buntal sa pagbibilang para sa asignaturang Matematika.
Target namang simulan sa taong 2024 na ituro hanggang sa Grade 10 ang paglalala ng sambalilong Buntal.
Kaakibat nito ang pagsasanay sa mga guro partikular na ang mga nagtuturo sa Home Economics at Entrepreneurship, kung paano ang paglalala upang maisalin sa mga mag-aaral.
Bahagi ito ng Localization of Culture Curriculum na binuo ng pamahalaang lungsod sa pakikipagtulungan ng DepEd at ng Technical Education and Skills Development Authority para sa mga nasa Grade 11 at 12 o Senior High School.
Sa muling pagdadaos nang mukhaan nitong Buntal Hat Festival, matapos mahinto ng tatlong taon dahil sa pagtama ng pandemya ng COVID-19, minarapat ng pamahalaang lungsod na iusog ang pagdiriwang ngayong buwan ng Hunyo bilang handog sa Ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ito rin ang unang pagkakataon na ipinagdiwang ang Buntal Hat Festival ngayong isa nang ganap na lungsod ang Baliwag.
Ayon kay Mayor Ferdinand Estrella, dapat manatiling buhay ang likhang sining ng paglalala ng sambalilong Buntal sa pamamagitan ng paghuhulma at paglalapat dito bilang sagisag ng husay at galing ng mga Baliwagenyo.
Malayo na aniya ang narating na merkado ng sambalilong Buntal na umaabot sa mga bansang United States, Australia at sa kontinente ng Europe.
Ito’y sa kabila ng limitadong suplay dahil kakaunti na lamang ang Baliwagenyo na naglalala ng Buntal na hindi na aabot sa 30 na katao.
Kaya naman minarapat ng pamahalaang lungsod na ipagpatuloy ang pagdadaos ng Buntal Hat Festival upang maisulong na mapalakas ang produksiyon.
Taong 2004 nang pasimulan ng noo’y pamahalaang bayan ang pagdadaos ng festival bilang pambato sa One Town, One Product Program ng Department of Trade and Industry.
Kaugnay nito, kasabay ng pagpaparami ng mga manlalala, nakatakda sa darating na buwan ng Hulyo 2023 na tumungo sa lalawigan ng Quezon ang isang lokal na trade mission mula sa lungsod ng Baliwag.
Ito’y upang pagtibayin ang ugnayan at pagtutulungan para sa produksiyon ng Buntal sa pamamagitan ng malawakang pagtatanim ng halamang Buri.
Pangunahing pinagkukuhanan ng hilaw na materyales ang halamang Buri na karaniwang itinatanim sa lalawigan ng Quezon.
Target ng pamahalaang lungsod na masimulan ang pagkakaroon ng plantasyon ng Buri sa mismong kalupaan ng Baliwag simula sa 2024.
Mauugat sa kasaysayan na sa pagitan ng mga taong 1907 at 1909, nang dalahin ni Mariano Deveza, na isang taga Lucban, Tayabas, na dating pangalan ng lalawigan ng Quezon, ang paglalala ng sambalilong Buntal sa noo’y bayan ng Baliwag.
Ganap itong naging industriya sa Baliwag noong taong 1910.
Pagpasok ng 1920, nagsimula nang mailuwas sa pandaigdigang merkado ang mga nilalang sambalilong Buntal. Kilala ito sa ibang bansa sa tawag na Panama Hat at Bangkok Hat. (CLJD/SFV-PIA 3)
PHOTO CAPTION:
Unti-unti nang naisasalin sa mga bagong henerasyon ng mga Baliwagenyo ang pamana ng likhang sining sa paglalala ng sambalilong Buntal sa lungsod ng Baliwag, Bulacan. Isinusulong sa muling pagdadaos ng Baliwag Buntal Hat Festival ang pagpaparami ng mga manlalala upang masigurong buhay ang diwa, kultura at industriya sa paglalala nitong sambalilong Buntal na pangunahing tatak ng lungsod. (Shane F. Velasco/PIA 3)