Lungsod ng Legazpi June 13, (PIA)—Binisita ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang lalawigan ng Albay nitong June 12, Lunes, at ibinalita ang paparating na ayuda ng bansang United Arab Emirates para sa mga naapektuhan ng pag aalburuto ng bulkang Mayon sa Albay.
Unang nakipagpulong ang kalihim sa gobernador ng Albay sa kapitolyo ng probinsiya upang mas malaman ang pangkalahatang estado ng probisya na sa ngayon ay nasa state of calamity.
Sumunod na tumungo ang kalihim sa Governor’s guest house at nakipagpulong sa mga alkalde ng mag lugar na sakop ng 6 km danger zone.
Kabilang sa mga opisyal na pinulong ng kalihim ay sina Alkalde Caloy Baldo ng Camalig, Carlwin Baldo ng Daraga, Junjun Aguas ng Sto. Domingo, Cenon Volante ng Malilipot at Chino Garcia ng Guinobatan.
Kasama din sa pulong sina Alkalde Fernando Gonzalez ng lungsod ng Ligao, Alkalde Krisel Lagman-Luistro ng lungsod ng Tabaco at Bise Alkalde Robert Bobby Cristobal na kumakatawan sa Alkalde ng lungsod ng Legazpi na si Carmen Geraldine Rosal.
Sa ginanap na maikling press briefing na ipinatawag ni Gobernador Grex lagman para kay DILG Secretary Abalos, ibinahagi ng kalihim na mas marami pang mga ayuda ang darating galing sa bansang UAE.
Huling tinungo ng kalihim ang Anislag evacuation center at binisita ang mahigit 200 evacuees na pawang galing sa barangay Miisi sa bayan ng Daraga. Ang naturang barangay ay nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone na pwersahang inilikas dahil sa aktibidad ng bulkanng Mayon.
Namahagi si Abalos ng mga relief food packs sa mga evacuees sa lugar katuwang si Daraga Mayor Carlwin Baldo. Siniguro ng kalihim sa mga evacuees na hindi sila pababayaan ng pamahalaan habang nasa mga evacuation center.( PIA5)