CABARROGUIS, Quirino (PIA) - - Natanggap na ng unang batch ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang kanilang educational assistance na P3,000 bawat isa mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ang unang batch ay kinabibilangan ng mga mag-aaral mula sa Maddela, Nagtipunan at Aglipay.
Ayon sa Quirino Province Facebook Page, ang payout para sa first batch ay naging matagumpay dahil sa pamumuno nina Gov. Dax at Cong. Midy at ng Technical Working Group sa pamumuno ni PSWD Office Agaton Pagbilao katuwang ang mga kawani mula sa Department of Social Welfare and Development.
Sa mensahe ni Congresswoman Midy, pinayuhan nito ang mga mag-aaral na ipagpatuloy lang nila ang kanilang pag-aaral at huwag silang susuko sa mga hamong dumarating dahil hindi lang nila ito ginagawa para sa kanilang sarili kundi para na rin sa kanilang mga pamilya lalung-lalo na sa kanilang mga magulang.
Binigyang-diin naman ni Gov. Dax ang kahalagahan ng edukasyon gayundin ang mga posibleng trabahong inihahanda at pinaplano ng pamahalaang panlalawigan para sa mga scholars at graduates ng probinsya at sa lahat ng mamamayan ng Quirino.
“Sa ating mga scholars, kapag kayo ay naka-graduate, kung sakaling kailangan niyong maghanap ng trabaho, balik lang po kayo sa akin at hahanapan ko po kayong lahat ng trabaho, kung ano man ang trabahong kailangan niyo. Ang importante wag kayong sumuko sa inyong mga pangarap, keep following your dreams, mag aral nang mahusay at ayusin ang priorities sa buhay,”.
Ayon pa kay Gov. Dax, aabot sa P21 milyon ang pondong inilabas ng pamahalaang panlalawigan para sa educational ng may kabuuang 7,000 scholars sa buong lalawigan.
Samantala, ayon sa mga namamahala sa pagbibigay ng educational assistance, ang iskedyul para distribution ng educational assistance para sa pangalawang batch ng scholars mula Diffun, Cabarroguis at Saguday ay ilalagay sa Quirino Province Facebook Page. (OTB/TCB/PIA Quirino)