LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Umabot sa 131 ang hired-on-the-spot (HOTS) sa idinaos na Independence Day Job Fair sa lungsod ng Malolos.
Ito ay inorganisa ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office kung saan umabot sa 11,623 na mga trabaho ang binuksan.
Ayon kay PYPESO Head Kenneth Ocampo Lantin, kinatuwang ng Department of Migrant Workers ang kanilang tanggapan sa pagdadaos ng jobs fair kaugnay ng mga nasa isang libong trabaho sa ibang bansa na inialok ng 11 mga overseas employers at agencies habang mahigit sa 11 libong lokal na trabaho naman ang iniaalok ng 74 lokal na employers sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Pangunahin sa mga trabaho sa ibang bansa na binuksan ay ang sektor ng health care. Mga posisyong nurse ang kailangan sa mga bansang United States, New Zealand, Singapore, Qatar at Saudi Arabia.
Iba pa rito ang mga kailangan na medical technologist, physical therapist, physical therapy aide at assistant physical therapist sa United States. Caregivers naman ang kailangan sa Japan
Sa New Zealand, hinahanap ang mga manggagawa sa larangan ng cabinet maker, polisher, painter, timber hand, fabricator, scaffolder, flooring installer, dispatcher at maintenance.
May kailangan ding mga drivers, construction workers, technician at barista sa Saudi Arabia, Qatar at mga butchers sa Poland.
Iniulat naman ni DOLE Bulacan Chief Labor and Employment Officer May Lynn Gozun na ang mga inialok na lokal na trabaho ay mula sa industriya ng banking and finance, construction, food processing, engineering, health care, human resource, information and communications technology, manufacturing, logistic and mobility, retail, sanitation, at warehousing.
Mananatili aniyang bukas ang 11,492 pang mga trabaho ngayong natanggap agad ang unang 131 mga HOTS.
Kailangan lamang makipag-ugnayan sa PYSPESO upang mailapit sa mga partikular na employer ang isang interesadong aplikante. (CLJD/SFV-PIA 3)
Umabot sa 11,623 na mga bagong trabaho ang binuksan sa ginanap na Kalayaan Jobs Fair 2023 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos. (Shane F.Velasco/PIA 3)