LUNGSOD NG SORSOGON, Sorsogon (PIA)--Nilahukan ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, ibat-ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal at organisasyong sibiko sa Sorsogon ang pagdiriwang ng Ika-125 taon ng Araw ng Kalayaan nitong Lunes, Hunyo 12, na ginanap sa Capitol Park sa lungsod na ito.
Sa simpleng pagdiriwang, nagpaabot ng mensahe sina Sorsogon Provincial Administrator Eric Ravanilla at Vice Governor Krunimar Antonio Escudero II.
Kapwa nakatuon sa pagsukli sa mga sakripisyo ng mga ninuno at bayaning Pilipino ang binitawan nilang hamon sa mga kababayan sa Sorsogon.
Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Sorsogon ay sinimulan sa pamamagitan ng pag-aalay ng panalangin at sinundan ito ng pagpupugay sa watawat ng Pilipinas at pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas.
Nag-alay din ng mga bulaklak sa paanan ng rebulto ni Gat. Jose Rizal. (PIA5/Sorsogon)
Sa kanyang mensahe, hiniling ni Escudero sa mga Sorsoganon lalo na sa mga kapwa nya lingkod-bayan na maging mabuting mamamayan sa araw-araw upang masuklian ang mga sakripisyong ginawa ng mga bayani.
Aniya, darating ang araw na ang bawat isa ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan at nawa ay maging alulod ito ng positibong pagbabago para sa Inang Bayan.
Maisulat man aniya o hindi ang ating mga pangalan sa aklat ng kasaysayan, batid ng bawat indibidwal ang naiambag niya sa pagsulong at ikabubuti ng mga nakararami lalo’t higit sa bansang Pilipinas.
Para sa kanyang bahagi, binigyang-diin ni Ravanilla na hindi dapat masayang ang mga sakripisyong ginawa ng ating mga ninuno.