No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Grand Opening ng Baragatan sa Palawan Festival 2023, makulay

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Naging makulay ang Grand Opening ng Baragatan sa Palawan Festival 2023 na ginanap nitong hapon ng Hunyo 16, 2023. Ito ay taunang pagdiriwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kaugnay ng paggunita sa Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Gobyerno Sibil ng Lalawigan ng Palawan tuwing ika-23 ng Hunyo kung saan ito ay nasa 121 taon na.

Ang Grand Opening ay sinimulan sa isang misa ng pasasalamat at pagkakaisa na ginanap sa Provincial Government of Palawan Convention Center. Sinundan ito ng Parada ng mga Palaweño sa pangunguna ni Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates kasama ang mga opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at mga mamamayan mula sa iba’t-ibang munisipyo ng lalawigan, nagsimula ito sa Puerto Princesa City Cathedral at nagtapos sa Kapitolyo.

Sa paradang ito ay natunghayan din ang pagkamalikhain ng mga Palawenyo sa pagdisenyo ng kanilang mga karo na inilahok sa Float Parade Competition. Samantalang makulay naman ang naging kasuotan ng mga kalahok sa Pantigoan sa Dalan.

Patuloy namang bukas ang Palawan Souvenir Trade Fair, Private Trade Fair at LGU Trade Fair kung kaya’t maaari pa ring mamili ditto ng iba't-ibang mga produkto at pagkaing gawa at ipinagmamalaki ng lalawigan ng Palawan sa abot kayang halaga.

Maaari itong bisitahin mula 9:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi sa palibot ng Gusaling Kapitolyo at magtatapos ito sa Hunyo 25.

Iba’t-ibang mga aktibidad ang matutunghayan sa pagdiriwang na itong hanggang sa Hunyo 23 kung saang ang pinaka-tampok dito ay ang Coronation Night ng Mutya ng Palawan at ang Sarautan sa Dalan o Street Dancing Competition na dinarayo ng mga manonood.

Pinangunahan ni Palawan Governor Victorino Dennis Socrates ang Baragatan sa Palawan Festival na taunang pagdiriwang sa pagkakatatag ng gobyerno sibil ng lalawigan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay ‘Baragatan Festival 2023 sa ika-400 taon ng Kristiyanismo sa Palawan! Makiisa at Makisaya… Ipagbunyi at ipagdiwang… Kultura at Kaugalian… Kasaysayan at Kabihasnan’. (OCJ/PIAMIMAROPA/Palawan)

Ang Parada ng mga Palawenyo. (Larawan mula sa PIO-Palawan)
Ang mga kalahok sa Pantigoan sa Dalan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
Float Parade Competition. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Larawan sa pinakataas:  Makukulay  na kasuotan at masasayang mga partisipante ng Pantigoan sa Dalan (street dancing) na mula sa iba't ibang munisipyo sa lalawigan.  (Larawan mula sa Facebook page ng PIO Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch