LUNSOD NG NAGA, Ika-19 ng Hunyo (PIA) – Simula Enero ngayong taon, nasa 25,412 mamamayan na mula sa lalawigan ng Camarines Sur ang natulungan sa ilalim ng kanilang programang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS ng Department of Social Welfare and Development Camarines Sur Provincial Operations Office.
Ayon kay Shane Patriarca, ang AICS focal person ng ahensya, layunin ng programa na suportahan ang mga indibidwal o mahihirap na pamilya upang maka-recover kung sila ay nakararanas ng matinding krisis sa buhay tulad ng kalamidad, sunog o mga sakit. Pangunahing benepisyaryo ng programang ito ang mga Persons With Disabilities (PWDs), senior citizens, women and children in conflict, at mga indigent sectors ng lipunan.
Ang ahensya ay magbibigay ng financial assistance, food packs o mga kagamitan, batay sa kanilang pangangailangan. Sasailalim rin sila sa assessment na gagawin ng mga social workers.
Bukas ang tatlong satellite offices ng ang DSWD Camarines Sur sa may mga katanungan tungkol sa naturang programa. Matatagpuan ang mga tanggapang ito sa mga lungsod ng Naga , Iriga at sa bayan ng Tigaon. Magdala lamang ng mga dokumentong kailangan bilang patunay o requirements depende sa assistance na kailangan.
Sa pangkalahatan, 15% na lang ng kabuuang budget ang kailangang ibahagi ng ahensya para sa lalawigan para sa taong ito. Maaari rin naman irefer ng kagawaran ang mga indibidwal sa kanilang lokal na pamahalaan para sa karampatang tulong. (With reports from Marijoe Jardinel, Ateneo De Naga University-PIA5/Camarines Sur)