CITY OF ILAGAN, Isabela (PIA) - - Ginanap kamakailan ang seremonya ng pagtatapos para sa 100 JobStart trainees na sumailalim sa sampung araw na Life Skills Training sa nasabing siyudad sa tulong ng DOLE Region 02 at ang Isabela Field Office (IFO) nito.
Ang Life Skills Training ang una sa tatlong bahagi ng full-cycle employment facilitation service ng programang JobStart na naglalayong mahubog ang kaugalian, asal at kagalingan ng mga ito upang maplano pa ng mas maigi ang kanilang tatahaking landas sa pagtatrabaho.
Kasabay ng nasabing seremonya, natanggap rin ng mga JobStart trainees ang kanilang stipend o allowance na nagkakahalaga ng P3,000 sa bawat isa.
Samantala, sa ikalawang bahagi ng programa ay ginanap naman ang Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng DOLE Region 2 at ang labing-isang (11) partner employers na magiging katuwang ng mga trainees upang mapabuti pa ang kanilang kasanayan at abilidad sa mundo ng pag-gawa.
Matapos ang MOA signing ay agad itong sinundan ng isang Mini Job Fair kung saan ang mga mapipiling trainees ay sasailalim sa technical training sa hindi hihigit sa tatlong buwan at makatatanggap muli ng P300 kada araw sa kabuuan ng nasabing training.
Dinaluhan naman ni Isabela Labor Sector Representative Evyn Jay Diaz ang nasabing aktibidad at nagpasalamat sa mga partner employers na tumugon at sumuporta sa nasabing programa ng Departamento.
Kasamang dumalo sa aktibidad ang Assistant Regional Director ng DOLE Region 02 na si Atty. Nepomuceno A. Leano II, PESO Manager Paolo Janairo Sanidad, SP Antonio Manaligod, SP Jun Montereal, SP Ariel Tabangcura, Technical Support Services Division (TSSD) Chief Laura Diciano at DOLE IFO Chief Evelyn U. Yango. (PIA Region 2/Ralph Domingo, DOLE-2)