No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Banta ng COVID nariyan pa - DOH Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Patuloy ang pagpapaalala ng Department of Health (DOH) Nueva Ecija sa publiko na mag-ingat laban sa COVID-19.
 
Nariyan pa rin aniya ang banta lalo ngayon na may binabantayang bagong variant na XBB.1.16 o Arcturus na unang nakita sa bansang India. 
 
Paalala ni DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa sa publiko na lagi pa ring magsuot ng face mask partikular kung sasakay sa mga pampublikong transportasyon, pupunta sa mga kulob na lugar at huwag kalilimutan ang paghuhugas ng mga kamay. 
 
Magpakonsulta agad sa doktor kung makaramdam ng sintomas upang matiyak ang sakit at mabigyan ng wastong gamutan. 
 
Sinabi ni Espinosa na kung ihahalintulad sa mga naunang variant ay mayroong karagdagang sintomas na sore eye o conjunctivitis ang Arcturus na madaling naihahawa ngunit hindi naman maituturing na delikado tulad ng Delta variant. 
 
Aniya, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng bakuna upang magkaroon ng proteksiyon mula sa COVID-19 at iba’t ibang variant nito.
 
Kaugnay nito ay kaniyang ibinalita na ilulunsad ng DOH ang pagbibigay ng  bivalent vaccines na magsisilbing 3rd booster laban sa COVID-19.
 
Paliwanag ni Espinosa, ibibigay lamang ang bivalent vaccine sa mga indibidwal na edad 18 pataas at nakatanggap na ng 2nd booster dose sa nakalipas na apat na buwan o higit pa.
 
Kung kwalipikado sa nabanggit na pagpapabakuna ay hintayin lamang ang anunsiyo ng mga nakasasakop na lokal na pamahalaan para sa implementasyon ng programa. 
 
Samantala, batay sa datos ng DOH Nueva Ecija nitong nakaraang Hunyo 19 ay umabot  sa 105 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan na kung saan 21 ang bilang ng admitted, 81 ang nasa home quarantine at tatlo ang nasa quarantine facility.
 
Mula sa nasabing ulat ay walong bayan at siyudad mula sa Nueva Ecija ang COVID-free na kinabibilangan ng Cuyapo, Nampicuan, Carranglan, Pantabangan, Rizal, Peñaranda, San Isidro at Palayan.
 
Para sa mga may katanungan ay maaaring tumawag sa mga numero ng Nueva Ecija One Hospital Command Center na 0918-245-4000 at 0965-904-3679. (CLJD/CCN-PIA 3)

Panauhin sa episode ng programang Leaders In Focus ng Philippine Information Agency si Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch