MABINI, Batangas (PIA) — Aabot sa 100 mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa Mabini, Batangas ang tumanggap ng tablet computers mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Martes, Hunyo 20.
Ang mga tablet na ipinamahagi ay bahagi ng “Project CLICK” (Courses for Literacy on Internet and Computer Knowledge) ng DICT na layong mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga mag-aaral sa paggamit ng teknolohiya at ang malawak na oportunidad na kaakibat nito.
Pinangunahan ni DICT-ICT Literacy and Competency Development Bureau Director Maria Teresa M. Garcia at Congresswoman Gerville Luistro ang pamamahagi nito sa mga benepisyaryong paaralan.
Bilang pagpapatibay ng proyekto, nagsagawa rin ang DICT ng isang cyber hygiene training upang maturuan ng pag-iingat at pagiging responsableng “Digital Citizens” ang mga mag-aaral ng iba’t ibang paaralan sa Mabini, Batangas.
Bukod sa pagpapaunlad ng digital skills, target din ng Project CLICK na makapagbigay ng mga kinakailangang kagamitan sa ICT.
Patuloy ang DICT sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Ivan John Uy sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa edukasyon ng mga kabataan sa mga bagay na may kinalaman sa ICT upang mapalakas ang digital at ICT literacy sa bansa.
Hangad ng DICT na palakasin ang partisipasyon ng bansa sa pandaigdigang digital economy sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pag-aaral ng ICT, simula sa edukasyon ng mga bata sa wastong paggamit ng mga digital device at tamang internet etiquette. (PIA BATANGAS)