TERESA, Rizal (PIA) — Apat mula sa 14 na bayan at lungsod sa lalawigan ng Rizal ang malaya na sa banta ng insurhensiya matapos ideklara ang Teresa at Cardona bilang mga lugar na may stable internal peace and security.
Ang deklarasyon ay pormal na pinagtibay sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of understanding sa pagitan ng mga opisyal ng 2nd Infantry Division (2ID) ng Philippine Army, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) kasama ang Provincial at Municipal Task Forces to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
Mas lalo pang pinagtigbay ng mga lokal na pamahalaan ng Teresa at Cardona ang determinasyon nito na wakasan ang insurhensiya sa pamamagitan ng pagdedeklara sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) bilang persona non-grata.
Isang pledge of commitment din ang nilagdaan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan tanda ng kanilang mariing paninidigan laban sa mga rebeldeng grupo.
Naunang idineklara bilang insurgency free ang mga bayan ng Baras at Tanay nitong Mayo.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Teresa Mayor Rodel Dela Cruz sa suporta ng pamahalaan upang matiyak ang kapayapaan at kaligtasan sa kanilang lugar.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag din ng pasasalamat si Cardona Mayor San Juan Jr. sa lahat ng kinauukulang sektor, lalo na sa militar at pulisya, sa pagsisikap na maging insurgency-free ang kanilang bayan.
Tiwala ang alkalde na makatutulong ito sa pagdagsa ng mga mamumuhunan sa Cardona at mas lalago pa ang ekonomiya sa pagbibigay ng trabaho sa mga residente at pagpapabuti ng lokal na turismo.
Sa isang pahayag, sinabi ni 2ID Commander MGen. Roberto S. Capulong na ang deklarasyon ay bunga ng dedikasyon at pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, kasundaluhan, mga ahensiya ng gobyerno, at ng komunidad.
“This continuous development in the Rizal province serves as proof of our collective resolve and strengthens our determination to ensure that insurgency finds no place in Southern Tagalog,” ani Capulong. (PIA RIZAL)