‘Araw ng mga Batang Anghel’ nagbigay kasiyahan sa 100 mga bata

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Nabigyan ng kasiyahan ang nasa 100 mga bata mula sa iba’t-ibang munisipyo sa Palawan sa ginanap na ‘Araw ng mga Batang Anghel’ sa Sky Garden NCCC Mall sa lungsod kamakailan.
Ito ay isang outreach program ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni PSWD Officer Abigail Ablaňa na inilaan para sa mga disadvantaged children at children with disabilities na may edad tatlong taon hanggang 12 taong gulang.
Sa nasabing aktibidad na mala-birthday celebration ang tema ay nagpakitang-gilas sa entablado ang mga tinaguriang batang anghel mula sa bayan ng Aborlan, Narra, Brooke's Point, Rizal, Bataraza at Taytay kung saan ipinakita ng mga ito ang kanilang talento sa pagsayaw at pagkanta.
Naging masaya rin ang mga bata sa mga pakulo ng PSWDO tulad ng face painting, parlor games at magic show. May ice cream cart, gulaman cart at photo booth. Pinagkooban din ang mga ito ng loot bags at rain coat.
Ang pagtukoy sa mga batang nakasama sa ‘Araw ng mga Batang Anghel’ ay sa pakikipagtulungan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng bawat munisipyo na inalalayan naman ng social workers at facilitators mula sa bawat LGU at mga kawani ng PSWDO.
Ang espesyal na araw na ito para sa mga batang nasa laylayan ng lipunan ay bahagi ng selebrasyon ng Baragatan Festival 2023 kaalinsabay ng ika-121 anibersaryo ng pagkakatatag ng Gobyerno Sibil ng Palawan. (OCJ/PIA-Palawan)