LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Patuloy na ikinakampanya ng Department of Health (DOH) Nueva Ecija ang pagpapabakuna upang magkaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19.
Ito ang ibinahagi ni DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa sa kamakailang episode ng Leaders In Focus na programa ng Philippine Information Agency.
Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng bakuna dahil nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 sa kalusugan lalo ngayon na may binabantayang bagong variant na XBB.1.16 o Arcturus na unang nakita sa bansang India.
Batay sa ulat ng DOH Nueva Ecija nitong Hunyo 15 ay humigit 1.5 milyong Nobo Esihano o 88.22 porsyento ng target population ng lalawigan ang fully vaccinated o nakatanggap ng kumpletong primary dose ng COVID-19 vaccine. Kabilang sa talaan ang 152,750 na mga senior citizen.
Samantala, nasa 480,210 booster doses naman ang naipamahagi na sa Nueva Ecija.
Kaugnay nito ay ibinalita ni Espinosa ang paglulunsad ng bivalent vaccines na magsisilbing 3rd booster bilang proteksiyon laban sa mga bagong variant ng COVID-19.
Kaniyang ipinaliwanag na ibibigay lamang ito sa mga indibidwal na edad 18 pataas na nakatanggap na ng 2nd booster dose mula sa nakalipas na apat na buwan o higit pa.
Kung kwalipikado sa nabanggit na pagpapabakuna ay hintayin lamang ang anunsiyo ng mga nakasasakop na lokal na pamahalaan para sa implementasyon ng programa.
Maaari namang magtungo sa mga health center o sa mga pampublikong ospital ang mga mamamayan na nais magpabakuna ng primary at booster dose.
Maliban sa pagtanggap ng bakuna ay ipinaalala muli ni Espinosa ang wastong pagsusuot ng face mask at palaging paghuhugas ng mga kamay upang makaiwas sa pagkakasakit ng COVID-19.
Para sa mga may katanungan ay maaaring tumawag sa mga numero ng Nueva Ecija One Hospital Command Center na 0918-245-4000 at 0965-904-3679. (CLJD/CCN-PIA 3)
Panauhin sa episode ng programang Leaders In Focus ng Philippine Information Agency si Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa. (Camille C. Nagaño/PIA 3)