No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

30th Pista Y’ Ang Cagueban, isinagawa bilang Urban Edition

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Isinagawa bilang ‘urban edition’ na may temang 'Urban Cooling: Community Tree Planting towards addressing Climate Change and Urban Heat Island' ang ginanap na 30th Pista Y’ Ang Cagueban (PYAC) ngayong taon dahil isinagawa ito sa ‘urban areas’ sa lungsod, hindi katulad ng mga nakagawiang pagsasagawa nito na sa mga kagubatan o watershed areas nagtatanim ng mga puno.

Sa paliwanag ni City ENRO Atty. Carlo B. Gomez sa opening ceremony ng PYAC noong Hunyo 24, na ang pagpapatuloy ng aktibidad na ito ay upang labanan ang epekto ng climate change, tulad na lamang ng naranasang heat index sa lungsod noong Abril na umabot sa 43 degrees Celsius na napakamapanganib sa kalusugan ng mga tao kung kaya’t napagdesisyunan ng Pamahalaang Lungsod na isagawa ang PYAC sa mga ‘urban areas’.

Pinangunahan ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang pagtatanim ng puno sa 30th Pista Y' Ang Cagueban noong Hunyo 24, 2023 sa Holy Trinity University (HTU)-Tiniguiban Campus. (Larawan ni Orlan Jabagat/PIA-Palawan)

Nasa 6,000 iba’t-ibang punong kahoy tulad ng Ipil, Narra, Tagpo, Malakatmon, Ahern’s Balok, Makaasim, Magalmon, Dao, Bago, Timgas at iba pa ang inihanda ng Puerto Princesa City Environment and Natural Resources (City ENRO) na itinanim sa Holy Trinity University (HTU)-Tiniguiban Campus, Seminario de San Jose, Plaza Cuartel at sa mga bakanteng lupa ng piling mga paaralan sa lungsod.

Mula ng ipatupad ito noong Hunyo 30, 1991 milyong puno na ang naitanim sa iba’t-ibang lugar sa lungsod at nasa 70 hanggang 80 porsiyento ang ‘survival rate’ ng mga ito, ayon kay Gomez.

Wala namang naganap na ‘Pista Y’ Ang Cagueban noong taong 2020 at 2021 dahil sa pandemya.

Sinabi naman ni Mayor Lucilo R. Bayron na hangga’t may bakanteng lupa pa sa ‘urban areas’ ng lungsod ay doon muna isasagawa ang susunod pang pagdiriwang ng Pista Y’ Ang Cagueban.

Pinangunahan din ni Bayron, kasama sina Palawan 3rd District Representative Edward S. Hagedorn at Vice Mayor Maria Nancy Socrates ang pagtatanim ng mga puno sa HTU-Tiniguiban Campus.

Nakiisa rin sa pagtatanim si Ms. Philippines Earth-Water 2023 Jemaimah Zabala. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch