LUNGSOD NG LAOAG, Ilocos Norte (PIA) – Ipinagdiwang ng lungsod ng Laoag ang 58th Charter Day anniversary nito upang alalahanin ang opisyal na pagkakatatag ng siyudad nitong Hunyo 19.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Michael Marcos Keon ang lahat ng mga dating alkalde ng siyudad, mga lokal na opisyal, at mga empleyado ng gobyerno at pribadong institusyon na aniya ay nagtulong-tulong sa pagpapaunlad ng siyudad.
“Laoag City began 58 years ago and since then, there have been 11 na ama ng siyudad. Laoag, what it is today, is an amalgamation of all of the past administrations. What you see today is what has happened over the past 58 years,” ani Keon.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagbigay ang City Agriculture Office ng mga Negosyo sa Kariton o Nego-Karts sa 15 na Rural Improvement Clubs (RIC) at isang malunggay processing machine sa Zaboangga RIC sa siyudad.
Samantala, binigyan din ng parangal ang mga Lupon Tagapamayapa sa kanilang pagpapanatili ng kapayapaan sa kani-kanilang barangay.
Ngayong taon, nagwagi ang Barangay 1 San Lorenzo at nabigyan ng P25,000 na premyo.
Nabigyan din ng pagkilala ang mga eskwelahan sa awarding ng 2022 Search for Cleanest, Greenest, and Model School in Eco-Waste Management.
Nanalo ang Cavit-Araniw Elementary School sa small public elementary category, Buttong Elementary School naman sa big public elementary category, at Ilocos Norte Regional School of Fisheries naman ang nanalo sa public secondary schools category. (JCR/AMB/EJFG, PIA Ilocos Norte)