LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- “Makalipas ang mahigit 100 araw na naranasang oil spill sa Oriental Mindoro, masaya kong ibinabalita sa inyo na sa wakas ay wala ng lamang langis ang mga tangke ng M/T Princess Empress at nasa 12 bayan na sa lalawigan ang maaari nang mangisda sa karagatan,” ito ang ipinahayag ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa isinagawang press conference sa Kapitolyo ng lalawigan ngayong Lunes, Hunyo 26.
Bukod dito, sinabi rin ng gobernador na dalawang bayan pa sa lalawigan ang inalis na ang fishing ban-- ang Naujan at Pinamalayan na kung saan kabilang na sa mga bayan ng Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Lungsod ng Calapan, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao na maaari nang magkaroon ng mga aktibidad tulad ng pangingisda at sports activities.
Idineklara ito ni Dolor matapos isumite ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Mimaropa at Department of Science and Technology (DOST) matapos ang humigit-kumulang na isang linggong pagsusuri sa karagatan ng dalawang nasabing bayan.
Halos iisa ang resulta na ipinasa ng dalawang ahensya ng pamahalaan kung kaya kumbinsido ang gobernador na ligtas na ang mga baybayin at makakatulong na rin ito sa muling pagbangon ng turismo sa probinsya.
Samantala, hindi pa pinapahintulutan na magsagawa ng mga aktibidad sa karagatan sa loob ng limang kilometrong lawak na sakop ng bayan ng Pola dahil mataas pa ang lebel ng Polycyclic Aromatic Hydrocarbons (PAH) na kung saan ito ay may presensya pa ng mga langis at gasolina sa baybaying dagat. Magsasagawa namang muli ang BFAR at DOST ng kahalintulad na pagsusuri matapos ang isa o dalawang linggo upang matukoy kung maaari na bang makapangisda sa lugar.
Magugunita na lumubog ang tanker na M/T Princess Empress noong madaling araw ng ika-1 ng Marso na galing sa lalawigan ng Bataan patungo sa timog bahagi ng bansa na siyang naging sanhi nang pagtagas ng langis at nagdulot ng peligro sa kalusugan ng tao at nakasira ng kalikasan dahil sa mga langis na kumapit sa mga bato sa mga baybaying dagat.
Nawalan din ng kabuhayan ang mga maliliit na mangingisda dahil sa naapektuhang mga lamang dagat at hindi rin pinahintulutan ng Department of Health (DOH) na kainin ang mga huling isda dahil hindi ito sigurado na ito ay ligtas nang kainin. (DN/PIA Mimaropa-OrMin)