Para sa people-to-people exchanges, ibinalita ng direktor na aabot sa 200 na mga Pilipinong guro taun-taon ang dumarating sa Espanya upang magtrabaho bilang guro sa wikang Ingles.
Isinusulong naman ng Instituto Cervantes Manila na gawing pilot area ang Bulacan upang makapagsanay ng mga guro sa Foreign Language at Araling Panlipunan na matutong magsalita at sumulat sa wikang Espanyol.
Sila rin ang gagawing tagapagturo sa mga mag-aaral sa planong pagbabalik ng pagtuturo ng wikang Espanyol sa asignaturang Foreign Language.
Sinabi rin ni Galvan na patunay ng masiglang ugnayang pang-ekonomiya at komersiyo ng Pilipinas at Espanya ang tuluy-tuloy na paglahok ng mga Espanyol na mamumuhunan sa iba’t ibang larangan o aspetong pang-ekonomiya, depensa, transportasyon at imprastraktura.
Hinalimbawa niya ang pagsusuplay ng mga bagong bagon ng tren ng Construcciones y Auxiliar de Ferrocarriles para sa Light Rail Transit Capacity Expansion at Cavite Extension Project.
Gayundin ang paglahok ng Espanyol na konstratistang Acciona, S.A sa mga pangunahing proyektong imprastraktura sa bansa, gaya ng Cebu-Cordova Link Expressway, mga contract packages ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project Phase 2 o linya mula Malolos hanggang Clark at ang NSCR South Commuter Line Project nito.
Iba pa rito ang pagsusuplay ng Construcciones Aeronauticas SA para sa ngayo’y pito nang C-295 Medium-Lift Aircraft ng Philippine Air Force bilang bahagi ng Armed Forces of the Philippines Modernization Program.
Kaugnay nito, mag-oorganisa ang Instituto Cervantes Manila sa tulong ng Embahada ng Espanya ng serye ng mga tour sa mga pamana at makasaysayang lugar partikular sa Bulacan.
Ito’y upang magkaroon ng simulain na maging regular ang pagbisita ng mga turistang Espanyol sa lalawigan at iba pang destinasyon sa bansa.
Samantala, umaasa rin si Galvan na matuloy ang planong pagbisita sa Pilipinas ni Haring Felipe VI.
Magkakaroon sana ng pagbisita noong nakaraang pagdiriwang at paggunita ng Quincentennial ng Pag-Ikot ng Sangkatauhan sa Daigdig, ngunit hindi natuloy dahil sa pandemya.
Magiging karangalan din aniya ng kanyang bansa kung makakapagsagawa ng isang state visit si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Espanya upang lalong pag-ibayuhin ang ugnayan at diplomatikong relasyon ng dalawang bansa. (CLJD/SFV-PIA 3)