INFANTA, Quezon (PIA) — Mahigit 2,000 residente sa bayang ito ang natulungan ng “Lingap sa Mamamayan, Libreng Gamutan” medical mission na isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon kamakailan.
Kabilang sa mga serbisyong medikal na dinala sa naturang bayan ay libreng medical check-up, bunot ng ngipin, minor surgery, EENT check-up, UTZ, X-Ray, ECG, FBS, Urinalysis, CBC, Ultrasound, tuli, at PCV 13 Vaccination.
Katuwang sa libreng gamutan ang mga doktor at nurses mula sa East Avenue Medical Center, Batangas Medical Center, Rizal Medical Center, Quezon Medical Center, Southern Luzon Command (SOLCOM), Integrated Provincial Health Office (IPHO), at ilang pribadong doktor mula sa University of Santo Tomas.
Nagkaloob din ng pinansyal na tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga pasyente na ang mga resetang gamot ay wala sa naturang medical mission.
Nakiisa din sa aktibidad ang ilang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan tulad ng Provincial Agriculturist Office, Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Treasurer Office, Provincial Veterinary Office at iba pa upang magbigay ng kanilang serbisyo.
Hinikayat ni Tan ang mga residente ng Infanta na samantalahin ang pagkakataon na libreng gamutan dahil hindi laging babalik-balik ang naturang programa at serbisyo dahil sa laki ng lalawigan ng Quezon.
Samantala, nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Infanta sa pangunguna ni Vice Mayor L.A. Ruanto sa pamahalaang panlalawigan sa paghahatid ng serbisyong medikal sa kanilang bayan.
“Nagpapasalamat po ako sa ating pamahalaang panlalawigan sa pagsasagagawa ng ganitong aktibidad para sa kapakinabangan ng mga Infantahin”, sabi pa ni Ruanto. (RMO, PIA QUEZON)