Bukod sa kakulangan sa tubig, problema rin ang mga sakit at peste sa mga pananim tuwing tag-init. Ani Zubiri, batay sa historical data na hawak ng kanilang tanggapan, mas umaatake ang mga daga at army worms kapag may El Niño.
Aabot sa 26,742 ektarya ng rainfed areas o lupang sakahan na umaasa sa tubig ulan ang tatamaan ng darating na El Niño. Bunsod nito ay maaaring umabot sa 70% ang pagkalugi sa lahat ng agricultural commodities, lalo na ang palay sakaling matapat ang matinding init sa reproductive stage ng butil o panahon ng paglalaman.
Bilang tugon, naghanay ng mga interbensyon ang OPA na aagapay sa mga magsasaka sa masamang epekto ng El Niño kabilang dito ang pamamahagi ng mga binhi ng sibuyas, mais, mungbean, at mga gulay, gayundin ng certified at hybrid palay seeds; dapat din aniyang magbigay ang pamahalaan ng mga pestisidyo o pamatay-peste at ng mga shallow tubewell; at magsagawa ng masusing pagbabantay o monitoring sa mga sakahan na maapektuhan ng El Niño.
Samantala, nakatakdang makipag-ugnayan si Zubiri sa National Food Authority (NFA) upang matiyak na may sapat na suplay ng bigas sa probinsya lalo na sa panahon ng El Niño. (VND/ PIA MIMAROPA/OCCIDENTAL MINDORO)
Topmost photo from CARAGA-RAFIS/Department of Agriculture