LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- May kabuuang 10 Super Health Center (SHC) ang kasalukuyang itinatayo sa Nueva Ecija.
Ito ang ibinalita ni Department of Health (DOH) Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa sa kamakailang episode ng Leaders In Focus na programa ng Philippine Information Agency.
Kaniyang ipinahayag na ang mga proyektong ito ay sakop ng General Appropriations Act ng 2022 at 2023 na itinatayo sa mga strategic location upang masigurong makapagbibigay ng serbisyo sa 849 barangay na nasasakupan ng lalawigan.
Ang 10 nasabing pasilidad ay matatagpuan sa mga bayan ng Santo Domingo, Rizal, San Leonardo, Laur, Carranglan, Zaragoza, Llanera, at Bongabon, at sa mga lungsod ng Cabanatuan at Muñoz.
Hinahangad ng ahensiya na sa pagtatapos ng taong ito ay makumpleto ang konstruksiyon ng mga bagong pasilidad nang mapakinabangan na ng mga mamamayan.
Ayon pa kay Espinosa, layunin ng pagtatayo ng SHC o tinatawag ding Primary Care Facility na makapagbigay ng libre at dekalidad na serbisyo sa mga mamamayan.
Ito aniya ay 6-in-1 package na mayroong clinical laboratory, diagnostic and radiologic services, pharmacy, birthing services, dental services, at ambulance services.
Pahayag ni Espinosa, ang pagpapatayo ng bawat pasilidad ay nagkakahalaga ng anim hanggang 10 milyong piso bukod pa ang dalawang milyong pisong pondo para sa pagbili ng mga medical equipment.
Kaniyang nilinaw na sagot ng mga pamahalaang lokal ang loteng pinagtatayuan ng pasilidad, pagbili ng mga karagdagang kagamitan at pagtatalaga ng mga personnel.
Maliban sa SHC ay tinututukan din ng DOH ang pagpapaunlad sa mga barangay o rural health unit facility at pagtatalaga ng mga doktor, nars at midwife na layuning matugunan ang mga pangangailangang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Sa kasalukuyan ay mayroon ding ipinatatayong Molecular Laboratory sa San Jose City General Hospital na daragdag sa mga naunang kagayang pasilidad na matatagpuan sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (Dr. PJGMRMC) at Manuel V. Gallego Cabanatuan City General Hospital.
Ibinalita rin ni Espinosa na recipient ang Dr. PJGMRMC sa Service Delivery Network, na itinatalagang maging Regional Heart Center bilang tugon sa mataas na bilang ng mga nagkakasakit ng cardiovascular disease.
Matatandaang pinasinayaan noong nakaraang taon ang bagong Emergency Room, Operating Room Complex, at Burn Center ng Dr. PJGMRMC. (CLJD/CCN-PIA 3)
Ang isinagawang ground breaking ceremony ng pamahalaang bayan ng Rizal noong Enero taong kasalukuyan, para sa konstruksyon ng Super Health Center. (Rizal LGU)