No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DSWD relief packs nakahanda na para sa 90-day Mayon disaster response

LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) --  "Walang magugutom sa mga evacuation centers."

Ito ang binigyang diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 5 Director Norman Laurio kasabay ang pagsiguro na sapat ang food packs at iba pang non-food assistance para sa mga apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

"Sinisiguro ng DSWD na walang magugutom sa mga apektado ng Bulkang Mayon. Personal kaming bumibisita sa mga evacuation centers kaya't alam namin ang hirap at discomfort na pinagdadaanan nila sa ating mga evacuation centers," pahayag ni Laurio sa isinagawang DSWD Albay Media Forum nitong Martes.

Binigyang diin ni DSWD Region 5 Director Norman Laurio na nakahanda ang kanilang ahensya na magbigay tulong sa mga apektado ng Bulkang Mayon sa isinagawang Media Forum sa lalawigan ng Albay nitong Hunyo 26.

Ayon kay Laurio, kanila na ring binibigyang asistensya ang mga pamilyang apektado ang pamumuhay na nasa labas ng 6km permanent danger zone.

Aniya, nakahanda na ang mahigit 150 food packs para sa 90-araw alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos.

"Sa ngayon, lalawigan ng Albay ang may pinakamalaking stockpile ng food packs. Layunin ng DSWD na gawing food hub ang Bicol region. Dahil sa strategic location nito, madaling makakaabot ang mga pagkain sa Visayas at Luzon, lalo na sa panahon ng kalamidad," ani Laurio.

Sa ulat ni Laurio, nitong Hunyo 26 ay nasa P66 million na ang halaga ng naipamahaging tulong ng DSWD. Kabilang dito ang P27 million para sa 55,057 family food packs at P38 million para sa 14, 626 non-food items.

Sa datus ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), nasa 5, 749 pamilya o 20, 082 na indibidwal ang nasa evacuation centers nitong Hunyo 29, 5:00AM.

Kanya ring siniguro na sa gitna ng Mayon disaster response operations ay nagpapatuloy ang iba pang mga programa ng DSWD. Kabilang dito ang naipamigay na P297 million cash assistance para sa 69, 935 4Ps beneficiaries sa Albay as of June 19.

Ani Laurio, Albay ang may pinakamalaking alokasyon at pinakamaraming benepisyaryo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Nitong Hunyo 19, nasa P103 million na ang natanggap ng 20, 408 beneficiaries. Kasama dito ang 7,155 benepisyaryo ng cash assistance, 6, 186 educational, 4,787 medical at 1,924 burial assistance.

Para sa unang anim na buwan ng 2023, umabot na sa 19, 639 senior citizens ang nakatanggap ng nasa P213 million total cost of assistance. Nasa 14 centenarians naman ang nakatanggap ng nasa P1.4 million cash assistance. (PIA5/Albay)


About the Author

Sally Altea

Writer

Region 5

"He provides. Everything is in His hands."

Information Center Manager of the Philippine Information Agency - Albay

 

Feedback / Comment

Get in touch