No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Information campaign para sa bagong makinarya sa pagsasaka, isinagawa ng Kapitolyo

Iprinisinta ni Engr. Rudolf Asejo ng Agricultural Biosystems and Engineering Office (ABEO) ang Laser Land Leveling, isang bagong teknolohiya sa pagsasaayos o pagpapatag ng lupa na makatutulong sa pagpapaunlad sa mga gawain sa bukid. Mga larawan ay kuha ng PIO OccMdo.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nagsagawa kamakailan ng serye ng mentoring at coaching ang tanggapan ng Agriculture Biosystems and Engineering Office (ABEO) sa mga magsasaka ng lalawigan.

Ang mga dumalo sa nabanggit na aktibidad ay mga magpapalay na naunang pinagkalooban ng rice transplanter machine noong 2019 hanggang 2022, mula Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) – Mechanization Program na pinamamahalaan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMec) ng Department of Agriculture (DA).

“Na-monitor ng probinsya na hindi masyado nagagamit sa pagtatanim ng palay ang natanggap nating transplanter,” saad ni Engineer Rudolf Asejo, tagapamahala ng ABEO. Isa aniya itong kawalan sa sektor ng Agrikultura dahil malaking pakinabang ang naibibigay ng nasabing makinarya.

Sinabi ni Asejo na sa paggamit ng transplanter, P3,000 – P3,500 bawat ektarya ang matitipid ng isang magsasaka sa pagtatanim ng palay; higit din na marami ang maaani ng isang magsasaka na gumamit nito batay na rin sa mga pag-aaral, at mabilis matatapos ang pagtatanim ng mga magsasaka kahit ilang ektarya pa ang tataniman.

Ayon kay Asejo, ang mga pakinabang na ito sa paggamit ng transplanter ay kabilang sa ginagawa nilang coaching at mentoring. “Sa mga walang transplanter, maaaring upahan ang serbisyo ng ating mga operator (ng transplanters) at sa ngayon ay mababa pa ang kalakarang singil para sa naturang trabaho,” ani Asejo.

Umaasa ang tagapamahala ng ABEO na sa mga kaalamang ito, higit na tatangkilikin ng mga magsasaka ang transplanter. Ayon pa dito, kabilang sa layunin ng mechanization program ng pamahalaan ang umunlad ang mga magsasakang Pilipino at sektor ng agrikultura gamit ang mga makabagong teknolohiya at makinarya. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch