LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Namahagi ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng livelihood starter kit sa mga pamilya ng siyam na child laborer sa Nueva Ecija.
Ito ay bilang paggunita sa World Day Against Child Labor nitong Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay DOLE Nueva Ecija Chief Labor and Employment Officer Maylene Evangelista, ito ay pauna pa lamang na pagkakaloob ng mga sari-sari store package sa halos 100 target na benepisyaryo sa lalawigan.
Nagkakahalaga ang bawat livelihood package ng P20,000 para sa isang pamilya.
Sa pamamagitan ng programa ay layunin ng ahensiya na makatulong upang mabago ang antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryo at mapalaya ang mga menor de edad sa maagang paghahanapbuhay nang kanilang masulit at maranasan ang masayang pagkabata.
Gayundin ay maiwasan na mapasama ang kalagayan ng mga kabataan na maaaring makuha mula sa mabibigat na trabahong hindi akma para sa kanilang edad.
Pahayag ni Evangelista, maliban sa distribusyon ng livelihood starter kit ay nagbibigay din ang kagawaran ng mga gamit sa eskwela at mga grocery package katuwang ang mga lokal na pamahalaan gayundin ay nagsasagawa ng mga talakayan hinggil sa usaping Child Labor.
Ang siyam na pamilyang unang nakatanggap ng sari-sari store package ay mula sa bayan ng Santa Rosa at lungsod ng Cabanatuan na susundan pa ng mga nakalinyang distribusyon sa iba’t ibang panig ng lalawigan.
Nagpaalala rin si Evangelista sa mga benepisyaryo na bigyang halaga at ingatan ang mga natatanggap na tulong mula sa pamahalaan at magsilbi itong pagkakataon upang mapaunlad ang pamumuhay.
Huwag din aniyang mahihiyang lumapit sa DOLE Nueva Ecija na laging maaasahan upang gumabay at tumugon mga nararanasan sa buhay.
Dumalo rin si Evangelista sa isinagawang Job Fair ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa Robinsons Townville bilang tampok sa pagdirwang ng ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan. (CLJD/CCN-PIA 3)
