LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Electronic Price Watch Board sa ilang palengke sa Nueva Ecija.
Kabilang na riyan ang mga bayan ng Talavera, Guimba, San Antonio at Aliaga, at lungsod ng San Jose.
Ayon kay DTI Provincial Director Richard Simangan, isa sa mga proyekto ng ahensya ngayong taon ang pagkakaroon ng Electronic Price Watch Board sa mga pamilihang bayan bilang bahagi ng pagbabago at digitalization ng mga ito.
Aniya, mas mapapadali na ngayon ang pag-uupdate ng mga presyo ng bilihin, gayundin ang pagsusuri ng mga konsyumer sa kasalukuyang presyo sa pamamagitan nito.
Katuwang ng ahensya rito ang Nueva Ecija League of Market Administrators at mga lokal na pamahalaan.
Inilahad naman ni DTI Nueva Ecija Consumer Protection Division Chief Bobby Faronilo na kasunod na proyekto ng ahensya ang pagkakaroon ng mga QR code sa loob ng palengke na maaaring i-scan ng mga konsyumer upang makita ang kasalukuyang presyo ng mga bilihin.
Kinakailangan lamang aniya na mapanatili ang pagkakatulad ng presyo na ipapakita sa Electronic Price Watch Board at sa pag-scan ng QR code.
Inaasahan naman ng ahensya ang patuloy na pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan para sa kapakinabangan ng mga mamimili sa kanilang lugar. (CLJD/MAECR-PIA 3)
PHOTO CAPTION:
Ibinalita ni Department of Trade and Industry Nueva Ecija Provincial Director Richard Simangan na inilunsad na ang Electronic Price Watch Board sa mga palengke sa mga bayan Talavera, Guimba, San Antonio at Aliaga, at lungsod ng San Jose. (Camille C. Nagaño/PIA 3)