No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

2022 NDHS, aambag sa paglikha ng mga programang pangkaunlaran sa rehiyong Mimaropa

Inaasahan ni PSA Mimaropa Regional Director Leni Rioflorido na ang isinagawang NDHS ay tutulong sa paglikha ng mga polisiya at programang tutulong sa mga mamamayan.

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Aambag sa paglikha ng mga proyekto at programang pangkaunlaran sa rehiyon ng Mimaropa ayon sa resulta ng isinagawang noong 2022 National Demographic and Health Survey (NDHS) Regional Data Dissemination Forum Mimaropa Region sa Mahalta Resorts and Convention Center, sa lungsod noong Hulyo 10.

Pinangunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang naturang gawain katuwang ang United States Agency International Development (USAID) sa pagbabahagi ng datos hinggil sa estado ng kalusugan sa rehiyon.

Ilan sa mga tinalakay sa gawain ang fertility and family planning na binubuo ng maternal health at childhood mortality; HIV knowledge and testing, health care utilization; at mga programang pangkababaihan.

Inaasahan na sa pamamagitan ng mga datos na ibabahagi, makakalikha ang mga sangay ng gobyerno ng mga programa at polisiya na naaangkop sa pangangailangan ng bawat sektor na nabanggit.


Samantala, bilang simula ng naturang gawain, nagbigay ng mensahe si PSA Mimaropa Regional Director Leni R. Rioflorido hinggil sa kahalagahan ng isinagawang aktibidad.

Ayon kay Rioflorido, ang pangunahing layunin ng NDHS ay ang pagbibigay ng datos hinggil sa estado ng kalusugan sa rehiyon. Ang datos na ito aniya ay makatutulong sa mga gumagawa ng mga programa at polisiya na makalikha ng mga programang naaangkop ayon sa espisipikong pangangailangan ng bawat sektor.

Nakaangkla rin aniya ito sa Philippine Development Plan para sa taong 2023-2028 ng kasalukuyang administrasyon.

Inilahad naman ng Commission on Population and Development (CPD) Mimaropa ang tatlong layunin na nais makamit ng ahensiya bilang suporta sa gawain. Una ay ang matatag na ugnayan ng mga pamilya at komunidad; pangalawa ay maginhawang pamumuhay ng bawat pamilya; at pangatlo ay ang seguridad sa kinabukasan ng bawat pamilya, lalung-lalo na ang mga kabataan.

Lahat ng mga ito ay nakaangkla sa Ambisyon Natin 2040 - isang pangmatagalan na plano ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtutuwang sa paglikha ng mga programa at proyekto para sa bawat mamamayang Pilipino sa susunod na 25 taon.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ng PSA sa lahat ng dumalo sa naturang gawain at umaasa sila na ang kanilang pinagsikapan ay magagamit ng mga ahensiya sa paggawa ng mga programang makapakikinabangan ng mga mamamayan. (JJGS/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)

Kabuoang kaunlaran para sa mga mamamayan na nakaangkla sa Ambisyon Natin 2040 ang nais makamit ng ahensya ng Commission on Population and Development bilang suporta sa isinagawang Regional Dissemination Forum ng NDHS.

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch