LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pinangunahan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) katuwang ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at sa pakikiisa ng Pamahalaang Panlungsod ng Calapan ang tatlong araw na aktibidad na "DRRM and Basic Life Support Orientation for Persons with Disability" bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month na isinagawa sa Nuciti Mall noong Hulyo 11, 2023.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang nasa mahigit 20 kasapi ng mga may kapansanan mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod upang magsanay at paghahanda sa panahon ng sakuna gayundin tuwing kailangan magligtas ng buhay sa anumang panahon.

Ayon sa pamunuan ng PDAO sa pangunguna ni Benjamin Agua, Jr., “huwag nating isipin na malaking hadlang ang kapansanan upang tayo ay magligtas ng buhay. Lahat ng tao ay may kakayahang gumawa ng tama sa kapwa at itong ating pagsasanay ay makakatulong at magagamit sa oras na ito’y kailanganin.”
Ilan sa mga aktibidad na isinagawa ay ang paraan ng tamang paunang lunas sa mga biktima katulad ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) at Automated External Defibrillator (AED), Emergency Action Principles at marami pang iba.
Samantala, ipinahayag naman ni City Disaster Risk Reduction and Management Officer Dennis T. Escosora na ang layunin ng naturang pagsasanay ay base sa Health Emergency Management Bureau Goal na dapat mayroon kahit isa sa miyembro ng pamilya o kasambahay ang may kaalaman at nagsanay ng Basic Life Support (BLS) gayundin ang sinasabi sa Administrative Order No. 155 s. 2004, na ang pagsasanay ng BLS ay obligado sa lahat ng mga manggagawa ng kalusugan.
“Ang BLS orientation at first aid training para sa mga PWD ng lungsod ay ang kauna-unahang pagsasanay na isinagawa sa buong lalawigan at malaking tulong ito lalo na sa sektor ng mga may kapansanan,” pagtatapos na mensahe ni Escosora. (DN/PIA-MIMAROPA)