No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOH nagbigay ng P185 milyong pondo para sa programang pangkalusugan sa Ilocos Sur

LUNGSOD NG VIGAN, Ilocos Sur – Aabot sa P150 milyong pondo ang ipinagkaloob ng Department of Health (DOH) sa pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur at P35 milyong naman para sa lokal na pamahalaan ng Vigan para sa implementasyon ng iba’t ibang proyektong pangkalusugan.

Pagtanggap ni Gobernador Jeremias Singson (pangalawa mula sa kanan) sa nasabing pondo mula sa DOH. (Litrato mula sa provincial government ng Ilocos Sur)
Pagtanggap ni Alkalde Jose Singson, Jr. sa nasabing pondo mula sa DOH. (pia)

Mismong si DOH Secretary Teodoro Herbosa ang nag-abot ng pondo kay Governor Jeremias Singson sa pagbisita nito sa Provincial Capitol at kay Vigan City Mayor Jose Singson, Jr. sa ginanap na groundbreaking ceremony ng Vigan City Primary Care Facility (PCF)-Infirmary kung saan siya ang nagsilbing panauhing pandangal.
 
Ayon sa DOH, ang nasabing pondo para sa pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur ay nakalaan sa pagkumpleto ng limang palapag na Medical Arts Pavilion sa Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang (ISPH-GS).
 
Maliban dito ay namigay din ang DOH ng mga medisina para sa nasabing ospital.

Pagdalo ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa groundbreaking ceremony ng Vigan City Primary Care Facility (PCF) – Infirmary nitong Hulyo 8. (pia)

Tinanggap naman ng lokal na pamahalaan ng Vigan ang iba’t ibang medical equipment gaya ng fetal doppler, weighing scale para sa mga sanggol, weighing scale na may BMI calculator, examining table, dressing cart, at instrument cabinet.
 
Ito ay para sa barangay Camangaan, Capangpangan, San Pedro, at Barangay II.
 
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Secretary Herbosa ang suporta ng DOH sa mga lokal na opisyal na patuloy na nagtataguyod at tinutugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng kanilang komunidad.
 
“Lahat ng pangangailangang pangkalusugan ng ating mga kababayan ay maibibigay natin sa pamamagitan ng pagtutulungan at suporta ng lahat ng ating mga local government units, partner agencies, at mga stakeholders. Magtulungan tayo na ma-attain ang Healthy Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga tungo sa bagong Pilipinas,” ani Herbosa.
 
Binisita rin ni Herbosa ang kasalukuyang itinatayong Medical Arts Pavilion sa ISPH-GS. (JCR/AMB/JMCQ, PIA Ilocos Sur)

About the Author

Joyah Mae Quimoyog

Writer

Region 1

A writer based in the heritage province of Ilocos Sur.

Feedback / Comment

Get in touch