Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan (SP) sa Nueva Vizcaya ang isang ordinansang magbibigay ng scholarship o libreng pagpapaaral sa mga mahihirap na kabataan na gustong maging doktor. (Photo ng PLGU NV FB Page)
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang isang ordinansang magbibigay ng scholarship o libreng pagpapaaral sa mga mahihirap na kabataan na gustong maging doktor.
Ayon kay Board Members Patricio Dumlao, Jr. at Elma Pinao-an Lejao, layunin ng Ordinance Establishing the Nueva Vizcaya Medical Scholarship and Return Service Program na matulungan ang mga kapos – palad na magulang ng mga Novo Vizcayanos na pag-aralin sa medical course ang kanilang mga anak.
Layunin din ng nasabing ordinansa na madagdagan ang kakulangan ng doktor sa mga ospital sa lalawigan dahil maninilbihan ang mga nakapag-tapos ng kurso na scholars sa Nueva Vizcaya.
Ayon kay Dr. Arlene Jara, hepe ng Nueva Vizcaya Provincial Hospital (NVPH), malaking tulong ang nasabing medical scholarship program upang madagdagan ang bilang ng mga medical professionals sa kanilang ospital.
Ayon sa kanya, may 33 doctors lamang ang NVPH sa kasalukuyan kung saan 14 ang permanent, 13 ang casual at 6 ang nasa ilalim ng Contract of Services (COS).
Dagdag pa nito na base sa kanilang kasalukuyang organizational structure, nangangailangan sila ng 75 na doctors na pawang mga general practitioners at specialista.
Ayon pa kay Jara, ang kakulangan ng kanilang doctors ang isa sa mga dahilan kung kaya’t inirerefer nila ang ilang pasyente sa ibang ospital gaya ng Region 2 Trauma & Medical Center (R2TMC) sa Bayombong.
Umaasa din si Jara na dadami ang magtatapos ng medical courses sa lalawigan dahil sa nasabing Medical Scholarship Ordinance upang madagdagan ang bilang ng mga kinakailangang doctor sa mga ospital sa lalawigan. (BME/PIA NVizcaya)