(Tagalog translation)
Pagtutok sa First 1,000 Days of Life, binigyang-diin ng NNC-CAR
BAGUIO CITY (PIA) -- Patuloy na itinataguyod ng National Nutrition Council - Cordillera (NNC-CAR) ang First 1,000 Days upang masiguro na ang mga programa at serbisyo pangnutrisyon at pangkalusugan ay maiparating sa mga ina at mga bata.
Ang First 1,000 Days of Life o ang tinatawag na 'golden window of opportunity' ay ang panahon na kailangang maibigay ang tamang nutrisyo sa ina at anak upang matiyak na maganda ang paglaki ng bata. Magsisimula ito sa pagbubuntis ng ina hanggang sa ikalawang kaarawan ng ipapanganak niyang bata. Nakasaad din ito sa Republic Act No. 11148 o Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act of 2018 (First 1,000 Days Law).
Inihayag ni NNC-CAR Development Management Officer II Perlyne Martin-Binaliw na kapag siguradong tama ang nutrisyon sa First 1,000 Days ay maiiwasan ang 'stunting' o pagkabansot ng bata, malnutrition at ibang sakit.
"That is one of the strategic thrusts ng NNC. Ito po 'yung serbisyo natin para maiwasan ang stunting ng bata," si Binaliw.
Bukod sa advocacy campaigns, ipinatutupad din ng NNC ang Tutok Kainan Dietary Supplementation Program na naglalayong itaguyod ang tamang nutrisyon sa First 1,000 Days of Life.
Paliwanag ni Binaliw, nahati sa tatlong stages ang First 1,000 Days: una ang first 270 days o pagbubuntis ng ina sa loob ng siyam na buwan; ikalawa ang 180 days o mula sa pagkapanganak ng bata hanggang sa ikaanim na buwan nito; at ikatlo ang 550 days o mula sa ikaanim na buwan hanggang sa magdalawang taong gulang ito.
Sinabi nito na ang mga buntis na ina, kailangang sumailalim sa antenatal care gaya ng maternal immunization, pre-natal check-ups, counseling, at iba pa.
Itinataguyod din ng NNC ang exclusive breastfeeding o pagpapasuso sa mga sanggol sa unang anim na buwan ng mga ito.
"Haan nga agpainom iti danum iti baby. Ang gatas ng ina ay sapat para maibigay ang sapat na sustansiya at nutrisyon ng bata," ani Binaliw.
Samantala, para sa mga 6 months to 2 years old na bata, ipinapayo ng NNC ang complementary feeding o pagpapakain sa mga bata ng masustansiyang pagkain bukod sa pagpapasuso sa mga ito. (DEG-PIA CAR)