Nagsimula nang bigyan ng 3rd dose ng bivalent vaccine ang mga Health Care Worker (HCW) ng probinsya. Larawan mula sa Provincial Health Office.
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nagsimula na kamakailan ang pagbibigay ng 3rd dose ng bivalent vaccine sa mga Health Care Workers (HCW) ng probinsya.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Teresa Tan, inuunang turukan ang mga HCW na may clinical exposure upang matiyak na may karagdagang panlaban sila sa banta ng COVID-19 original strain, gayundin sa mga sub-variants ng Omicron.
Sinabi ni Dr. Tan na sa kasalukuyan ay 1,800 doses ang ipinadala ng Department of Health (DOH) sa probinsya. Batay sa talaan ng Provincial Health Office (PHO), halos 1,000 HCWs mula sa Rural Health Units, private hospitals at clinic ang dapat na mabigyan ng bakuna. Tinatayang 4,000 barangay health worker ang nais ng PHO na mapabilang sa mababakunahan ng 3rd dose COVID-19 bivalent vaccine. Sakaling may lalabis pang bakuna, isusunod na mabigyan ang A2 category o ang mga senior citizens.
Paalala ni Dr. Tan, tanging ang mga nakakuha ng ikalawang booster dose ng bakuna ang maaaring tumanggap ng bivalent vaccine.
May 11 aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan sa kasalukuyan. Ang mga ito ay nasa bayan ng Abra de ilog, Mamburao, Sablayan at San Jose. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)