LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST) Mimaropa sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office (PSTO) Oriental Mindoro ang dalawang araw na pagsasanay hinggil sa Good Manufacturing Practices, Packaging and Labeling, at Technopreneurship kamakailan sa Bethel Livelihood Center, Brgy. Bethel, Victoria.
Naging posible ang naturang gawain sa pakikipagtuwang ng DOST sa Pamahalaang Bayan ng Victoria at Municipal Agriculture Office. Dinaluhan ang gawain ng 25 benepisyaryo ng pagsasanay mula sa naturang bayan kung saan ibinahagi ng mga kawani ng ahensiya ang mga makabagong kaalaman at kasanayan hinggil sa tamang gawain sa pagpoprodyus ng kani-kanilang mga produtko upang maisiguro ang kalidad ng mga ito. Gayundin, nagbahagi rin ng ilang mahahalagang panuntunan sa paglalagay ng marka o label sa kanilang mga produkto upang mas maging kaaya-aya at mas madaling maibenta sa mga merkado.
Samantala, sa pamamagitan naman ng paksang tehnopreneurship, binigyan ng ilang tips at makabagong paraan upang maisulong ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya na inaasahang magdadala ng dagdag kita sa negosyo ng mga ito.
Nagsilbi namang resource speaker para sa naturang gawain si DOST Oriental Mindoro Provincial Director Jesse M. Pine, kasama sina Engr. April P. Adeva, at Engr. Maria Christine M. Caringal. (JJGS/PIA Mimaropa-OrMin))