Ayon kay Rueli Rapsing, ang officer-in-charge ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cagayan, agad na nagpulong ang mga miyembro ng Incident Management Team (IMT) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan hapon ng ika-23 ng Hulyo sa Sub-Capitol sa Bangag, Lal-lo, Cagayan, matapos itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa ilang bayan sa lalawigan dahil sa bagyong "Egay".
Isang team ang kanilang binuo na siyang mangunguna sa mga gagawin pang hakbang katuwang ang iba pang responders sa lalawigan para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa banta ng naturang bagyo.
Aniya, naka-preposition na ang mga family food packs sa dalawang warehouses sa lalawigan na matatagpuan sa kapitolyo sa Tuguegarao City at sa Sub-Capitol sa bayan ng Lal-lo.
Dagdag pa nito na naka-preposition na rin ang mga non-food items sa mga QRT stations kung saan bawat istasyon ay may tig-tatlong floating assets, isang ambulansiya, isang rescue car at iba pang mga search vehicle.
Nakapakat na rin ang iba pang heavy equipment sa PDRRMO, ayon pa kay Rapsing.