TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Isinailalim na sa alert status ang Lungsod ng Tuguegarao at isinasagawa na ang ilang protocols bilang paghahanda sa paglapit ng bagyong Egay na inaasahang makakaapekto sa hilagang Luzon sa mga susunod na araw hanggang July 28.
Dahil dito ay activated na ang mga reponse cluster ng siyudad na kinabibilangan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, tulad ng Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction and Management Council, City Command Center, at General Services Office.
Ayon sa protocols ay naka-stand by na ang mga emergency units ng lungsod sakaling kailanganin sila, kabilang ang mga Barangay DDRMCs, BFP, City Health Office at Tuguegarao City People’s General Hospital.
Ipagbabawal na rin pansamantala ang pagpunta sa Ilog Pinacanauan para sa anumang aktibidad.
Bukod pa dito ay idedeploy na rin ang PNP, PSSO, at Coast Guard sa mga strategic na area ng siyudad.
Sa ngayon ay nasa Signal No. 1 ang lungsod at buong probinsya ng Cagayan. Inaabisuhan ang publiko na maghanda at patuloy na mag-monitor ng mga update mula sa PAGASA.
Para sa listahan ng mga emergency hotline sa lungsod ng Tuguegarao, maaaring puntahan ang Tuguegarao City Information Office Facebook Page. (OTB/JKC/PIA-2/TCIO/images from DOST-PAGASA)