LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Upang mas lalo pang mapaigting ang kahandaan ng lokal na pamahalaan ng Naujan, isinagawa kamakailan ang 3rd Quarter Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Council Meeting na pinamumunuan ni Mayor Henry Joel Teves, katuwang ang opisyal ng DRRM na si Joery Geroleo at mga kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang talakayin ang mga gagawing paghahanda sa panahon ng kalamidad.
Kabilang sa mga tinalakay ang pag renew ng mga Memorandum of Agreement (MOA) at Memorandum of Understanding (MOU) para mas lalo pang mapalakas ang ugnayan sa mga pribado at pampublikong samahan na siyang umaagapay sa konseho sa pagtugon sa DRRM at sa posibleng epekto ng kalamidad maging ang banta ng panganib na maaaring idulot sa bayan. Bukod dito, kanila din pinagusapan ang mga gagawing paghahanda sa pag dating ng El Niño na patuloy na nararanasan sa kasalukuyan.
Iprinisenta rin ng MDRRMO ang na-update na contingency plan base sa limang nanganganib na lugar sa nasabing bayan upang maaprubahan ng konseho gayundin ang iba’t ibang mga aktibidad na isasagawa na nakatuon sa selebrasyon ng National Disaster Resilience Month. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)
Larawan sa itaas kuha ng Naujan Public Information Office