QUEZON CITY, (PIA) — Kabilang ang ginawang paghahanda ng gobyerno para sa magiging epekto ng El Niño bansa sa mga iniulat ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) kahapon, 24 Hulyo 2023.
Sa monitoring at analisis ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pinatataas ng El Niño ang posibilidad ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan, na maaaring magdulot ng mga negatibong epekto gaya ng tag-tuyot sa ilang lugar sa bansa na maaaring makaapekto sa iba't ibang sektor na sensitibo sa klima tulad ng mga mapagkukunan ng tubig, agrikultura, enerhiya, kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Bilang tugon dito, sinabi ng Pangulo na ang mga buffer stocks at ang mga kagamitang patubig ay inihanda na pati ang pagsasagawa ng cloud-seeding na magdadala ng ulan kung kinakailangan. Hinimok rin niya ang sambayanan na magtipid ng tubig.
Gayunpaman, sa panahon ng El Niño, maaari pa ring asahan ang mas malakas na Habagat na maaaring magresulta sa higit sa normal na kondisyon ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Sa climate outlook sa bansa, ang mga epekto ng El Niño ay inaasahan sa huling quarter ng taon at unang kalati ng taong 2024 na magdadala ng dry spell o mas mababang porsyento (60%) ng tubig-ulan na kadalasang natatanggap ng isang lugar sa loob ng 3 magkakasunod na buwan.
Samantala, binigyang diin ng Pangulo na may naitayo ng anim na libong rainwater collection systems sa bansa bilang paghahanda sa dry spell na dala ng El Niño.
Sa usapin ng suplay ng tubig, inulat ni Pangulong Marcos Jr. na may inilaang 14.6 bilyong piso ang gobyerno para sa water supply projects na pakikinabangan ng mga komunidad sa buong bansa.
“Recently, the water supply of NCR and Rizal received a significant boost from the first phase of the Wawa Bulk Water Supply Project. The water supply will increase as the Project enters the second phase,” pahayag ng Pangulo. (pia-ncr)