Lungsod ng Naga (PIA) – Tampok sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang planong makamit ang economic efficiency sa pamamagitan ng pagpapatayo ng iba’t ibang imprastraktura at pagpapagawa ng mga road networks.
Ani Pangulong Marcos, “We are opening up all gateways to mobilize goods and services at less cost and in less time, and ultimately, to drive the economy forward.”
Kabilang sa mga road network programs na nabanggit ng Pangulo ay ang 1,200-kilometer Luzon Spine Expressway na magdudugtong sa Ilocos hanggang Bicol, at magpapabilis sa transportasyon mula sa 20 oras hanggang siyam na oras na lamang.
Dulot aniya nito ang mas maraming pagkakataon para sa mga Pilipino na magtrabaho at makamit ang economic developments sa mga malalaking isla sa bansa.
Samantala, nagbigay ng mensahe si Naga City Mayor Nelson Legacion bago pa man ang ikalawang SONA ni PBBM. Aniya, nais niyang marinig mula sa Pangulo kung ano na ang direksyon na tinatahak ng administrasyon sa pagpapataas ng antas ng buhay ng bawat Pilipino.
Positibo namang tinanggap ng alkalde ang kakalabas na proklamasyon ng Pangulo tungkol sa pag-alis ng national health emergency status ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Dahil dito ay mas makakabwelo na ang pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad para sa nalalapit na Peñafrancia Fiesta ngayong Setyembre. Patuloy rin ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Naga para sa mga programa at proyekto ng pangulo sa mga susunod na taon.
Ang Luzon Spine Expressway Network Program ay isa mga infrastracture projects na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikalawang SONA kahapon.
Mula naman sa Partido area ng Camarines Sur, inasahan ni San Jose Mayor Jerold Peña na magtatalakay ang Pangulo ng mga tagumpay at plano para sa agricultural developments para sa bansa. Bago pa ang SONA, sinabi niyang nais niyang marining mula sa Pangulo ang konkretong solusyon o timeline kung paano muling maibabalik ang agricultural revolution, dahil aniya ito ang backbone ng ekonomiya ng bansa.
Hangad din ni Naga City Administrator Elmer Baldemoro ang mga programa ng Pangulo patungkol sa edukasyon, kalusugan at iba pang adbokasiya na siyang mapapakinabangan ng mga Bicolano, partikular ang aspeto ng railways at transportasyon.
Dagdag pa ni Naga City Councilor Omar Buenafe, inasahan niyang marinig kung ano pa ang daloy ng mga plano ng Pangulo ngayong nasa recovery phase na ang bansa mula sa tatlong taong epekto ng pandemiya. (PIA5/Camarines Sur)