No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bagong tatag na WRMO, bumuo ng mga hakbang upang makatipid sa tubig

QUEZON CITY, (PIA) — Inilahad ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang ilan sa mga agarang pagsisikap ng Kagawaran sa seguridad sa tubig bilang tugon sa nagbabadyang El Niño.

Sa post-State of the Nation Address (SONA) discussions on Environmental Protection and Disaster Management na ginanap Miyerkules, tinalakay ni Kalihim Loyzaga na dalawang bulletin ang inilabas ng bagong tatag na Water Resources Management Office (WRMO) kaugnay sa pagtitipid ng tubig.

Ayon sa Kalihim, ang WRMO bulletin no. 1 ay para sa Government Building Administrators. Samantala, ang bulletin no. 2 ay para sa mga residente ng Metro Manila at mga katabing probinsya upang maghayag ng mga babala sa mga epekto ng El Niño.

“This means that conservation is at the top of our list. We do know that there are problems in infrastructure as well as, of course, the problems of supply because of the decreased rainfall amount… we’d like to plug the leaks wherever possible and this is something that every household can do,” paliwanag ni Kalihim Loyzaga.

[Ito ay nangangahulugan na ang konserbasyon ay nasa tuktok ng aming listahan. Alam namin na may mga problema sa imprastraktura gayundin, siyempre, ang mga problema sa supply dahil sa pagbaba ng dami ng ulan... gusto naming i-plug ang mga pagtagas hangga't maaari at ito ay isang bagay na magagawa ng bawat sambahayan.]

Sa ilalim ng WRMO bulletin no. 1, inaatasan ang mga tanggapan ng gobyerno, sa pamamagitan ng kanilang mga administrador ng gusali, na bantayan ang mga pagtagas (leaks) at faulty fixtures, lalo na sa mga palikuran. Inirerekomenda din ng WRMO ang pagsasara ng mga pangunahing balbula (valve) ng gusali mula 7:00 p.m., o pagkatapos na ganap na umalis ang mga empleyado sa opisina, hanggang 6:00 a.m. kinabukasan. 

Sa ilalim naman ng WRMO bulletin no. 2, hinihikayat ang mga residente ng Metro Manila at karatig probinsya na isulong ang pagkolekta ng tubig-ulan para sa hindi maiinom na paggamit ng tubig (non-potable use of water), at muling gamitin ang tubig (reuse) na ginamit sa paglalaba at panghugas ng pinggan para sa pagdidilig ng mga halaman.


Inatasan din ng WRMO ang lahat ng local government units sa Metro Manila na bilisan ang pag-apruba ng pipe repairs ng water concessionaires na Manila Water at Maynilad.

Dagdag ni Kalihim Loyzaga, nakikipagtulungan ang DENR sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa mga proyektong pagkontrol sa baha at pag-iimbak ng tubig para sa mga darating na buwan at taon bilang tugon sa pagbabago ng klima (climate change) at mga epekto nito.

Nanawagan din ang DENR sa mga lokal na pamahalaan at DPWH kaugnay sa pagpapatayo ng multi-purpose na imprastraktura (multi-purpose infrastructure) upang pagsilbihan ang iba't ibang pangangailangan sa agrikultura, sa kuryente, sa tubig para sa domestic na paggamit ng industriya.

“...looking at our budgets and our programs to see if we can design multi-purpose infrastructure… in order to address the different dimensions of water security in the country,” pahayag ni Kalihim Loyzaga. 

[Sa pagtingin sa mga badyet at mga programa upang makita kung maaaring magdisenyo ng multi-purpose na imprastraktura... upang matugunan ang iba't ibang dimensyon ng seguridad sa tubig sa bansa.]

Sinabi din ni Kalihim Loyzaga na nakikipag-ugnayan din ang DENR sa Department of Finance (DOF) upang pag-aralan kung maaaring magbigay ng insentibo sa mga public private partnerships (PPPs) para sa bulk water at iba pang proyekto na makakapaghatid ng tubig kung saan ito pinakakailangan.

Bukod dito, ibinahagi din ng Kalihim ng DENR na interesado ang World Bank sa multi-purpose infrastructure funding para matugunan lalo na ang mga nanganganib (critically endangered) dahil sa climate change.

Maliban dito ay inaasahan ding ilalabas ng DENR ang Integrated Water Resources Management Plan sa susunod na buwan.

“The consultations have already been completed and, therefore, that new plan will be released for everyone to examine,” pahayag ni Kalihim Loyzaga. 

[Nakumpleto na ang mga konsultasyon at, samakatuwid, ang bagong plano ay ilalabas para masuri ng lahat.] 

About the Author

Alaine Allanigue

Writer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch