No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Probinsya ng Sarangani, ilulunsad ang 'BIDA Ka, Sarangan' kontra ilegal na droga

GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng Buhay Ingatan, Droga'y Ayawan (BIDA) noong Hunyo 24 sa Provincial Capitol, Alabel, Sarangani, ilulunsad naman ng pamahalaang panlalawigan ng Sarangani ang 'BIDA Ka, Sarangan' Program, isa sa mga hakbang ng probinsya laban sa ilegal na droga.

Ayon sa ulat ng Sarangani Provincial Information Office, ito ang napagkasunduan ng Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) Technical Working Group (TWG) at ng Municipal ADAC noong Hulyo 24 sa kanilang 2nd Quarter Meeting na ginanap sa Tierra Montana Hotel, sa lungsod ng Heneral Santos.

Sa bagong programang ito at lokal na branding para sa Sarangani, plano ng konseho na paunlarin ang BIDA program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga kasalukuyang programa ng ADAC.

Ito naman ay kasunod ng layunin ni Governor Rogelio Pacquiao na maging mapayapa at drug-cleared na probinsya ang Sarangani, at nananawagan ito sa aktibong pakikiisa ng bawat Sarangan upang mapanatiling ligtas ang kanilang pamilya, paaralan, at komunidad laban sa salot na idinudulot ng bawal na gamot.

Isinusulong din ng konseho ang mungkahi ni Provincial Department of Health Officer (PDOHO) Dr. Shahrir “Butch” Dulduco na gumawa ng "technical roadmap" para sa BIDA Ka Sarangan program. Aniya, ang roadmap ang magiging gabay ng konseho sa pagpapatupad ng mga programa ng ADAC.

Kabilang din sa agenda ang pagsunod sa Drug-Free Workplace Policy (DFWP) ng mga local government units sa probinsya. Sa kasalukuyan, ang mga bayan ng Alabel at Glan ay DFWP-compliant LGUs na.

Sa pagpapatupad ng Barangay Drug-Clearing Program (BDRP), may dalawang barangay na lamang— barangay ng Upo at Maguling sa bayan ng Maitum ang hindi pa naideklarang drug-cleared upang sa gayon tuluyan na maging drug-cleared province ang Sarangani.

Hinikayat ni Provincial Health Officer Dr. Arvin Alejandro, ang TWG chairperson, ang iba pang miyembro ng konseho na patuloy na ipatupad ang mga programa laban sa illegal na droga sa Sarangani at sa pitong munisipalidad nito.

Kasapi ng konseho ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pangunguna ni Provincial Officer IAV Meynard Villaluz at Assistant Regional Director IAV Levi Valmoria; Philippine National Police (PNP); mga focal person ng municipal ADAC; Provincial Health Office; Provincial Information Office; DILG, at ang Provincial Social Welfare and Development Office. (HJPF -- PIA SarGen)

About the Author

Harlem Jude Ferolino

Job Order

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch