TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN (PIA) - - Agad na nagtungo ngayong araw, Hulyo 27, ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development - Field Office 02 upang personal na ibigay ang P 10,000 tulong pinansyal sa pamilya ng biktimang nasawi sa kasagsagan ng Bagyong Egay sa Ramon, Isabela.
Base sa report ng Ramon Municipal Police Station, nasawi ang biktima matapos mabagsakan ng puno ng niyog habang nagrorota sa pagtitinda ng pandesal sa Purok 2 ng Barangay Villa Carmen sakay ang bisikleta na may sidecar.
Ayon kay Claudette Santiago Gabriel, LDRRMO officer, agad naman nilang narespondehan ang insidente subalit nang suriin ang katawan ng biktima ay wala na itong buhay.
Ang ibinigay na tulong pinansyal ay sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situations o AICS ng DSWD na naglalayong tulungan ang mga indibidwal na kasalukuyang humaharap sa krisis, tulad ng sakit, pagkamatay, kalamidad, at iba pa. (MDCT/PIA 2)