SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nagsagawa kamakailan ang Municipal Agriculture Office (MAO), katuwang ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), ng Information Education and Communication (IEC) drive para sa mga mangingisda sa apat (4) na coastal barangays sa bayan ng Rizal.
Ilan sa mga tinalakay ay ang mga responsibilidad ng mga mangingisda sa ilalim ng Municipal Fishery Code, kabilang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maritime group clearance mula sa Philippine National Police (PNP) Maritime Group.
Paliwanag ni Cooperative Development Specialist Jonathan Valdez mula sa MAO, ang martime group clearance ay ang ibinibigay sa mga mangingisda bilang patunay na lehitimo ang kanilang operation o pangingisda.
“Kapag hindi sila comply, huhulihin sila ng PNP Maritime [Group]. Makukumpiska ang kanilang fishing unit,” dagdag ni Valdez.
Ayon kay JN Sotelo, isang mangingisda mula sa Brgy. Malawaan, nakatulong ang isinagawang IEC drive sa kanilang lugar upang mas mapadali ang proseso ng pagkuha ng mga kinakailangan dokumento sa pangingisda.
“Maganda para sa amin kasi ‘di na namin kailangan pumunta ng municipality kasi lahat ng agency andoon na [sa IEC drive]. [Naging] one-stop shop na kasi, kagaya nung rehistro namin, [doon na namin naayos],” bahagi ni Sotelo.
Bukod sa pagbibigay ng nasabing clearance, 245 mangingisda ang naiparehistro sa Fishing Boats and Gears Registration o BoatR mula sa barangay Malawaan, Salvacion, Rumbang, at Adela.
Ibinahagi ni Valdez na ang pagrerehistro ng mga mangingisda sa BoatR ay malaking bahagi ng pagpapabuti ng kanilang serbisyo dahil ito ang ginagamit na basehan sa pagbibigay ng mga ayuda.
Sa kabilang banda, nasa 204 mangingisda naman ang naipaseguro sa PCIC sa nasabing gawain na naglalayong mabigyan ng proteksyon ang mga mangingisda sakaling mapinsala ang kanilang kabuhayan dulot halimbawa ng mga kalamidad o sakuna.
Isa sa mga tinututukan ng MAO ang sektor ng mga mangingisda sa bayan. Sa pakikipagtulungan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), mayroong fuel subsidy na natatanggap ang mga piling benepisyaryo.
Bukod dito, mayroon ding mga alternative livelihood program ang MAO para sa mga samahan ng mga mangingisda lalo na sa mga panahong mahina o mahirap makahuli ng isda, kabilang ang value-adding activities. (DSG/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)