No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Rescue operations sa Cagayan, nakatutok sa mga bayan ng Abulug, Pamplona at Ballesteros

TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Nakatutok ngayon ang rescue operations ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) sa mga apektado ng pagbaha sa mga bayan ng Abulug, Pamplona, at Ballesteros sa Lalawigan ng Cagayan.

Tulong-tulong ang mga personnel ng MDRRMO, Task Force Lingkod Cagayan, PNP, BFP, at AFP sa paglikas sa mga residenteng na-trap sa barangay Libertad sa Abulug, Cagayan. (5ID photo)

Ayon kay TFLC Focal Person Arnold Azucena sa naging panayam ng Cagayan Provincial Information Office, hindi tumitigil ang kanilang team sa pagsaklolo sa mga residenteng pansamantalang nanirahan sa kanilang bubong dahil hindi nila inaasahan ang bilis ng pagtaas ng tubig-baha.

Ang mga istasyon ng TFLC Ballesteros, TFLC Lal-lo at TFLC Sanchez Mira, katuwang ang mga personnel ng Philippine National Police sa tatlong bayan, Bureau of Fire Protection, kasundaluhan ng 17th Infantry Battalion, at Philippine Marines, ay nagtutulungan para mailikas nang ligtas ang mga apektadong residente ng tatlong bayan dahil patuloy pa rin na tumataas na tubig mula sa tributaryo ng Abulug river.

Sinabi pa ni Azucena na patuloy rin umano ang kanilang koordinasyon sa mga opisyal ng barangay upang agarang mabigyan ng aksyon ang sinumang nangangailangan ng tulong sa nararanasang pagbaha.

Sa kabila ng pagbaha ay walang naiulat na malubhang nasugatan o namatay sa pagdaan ng bagyong Egay sa mga bayan sa Cagayan.

Base sa report ng CPIO, ang malawakang pagbaha sa tatlong nabanggit na bayan ay nagmula sa pagbubukas ng dalawang spillway gate ng NIA-Apayao matapos umapaw ang ilog doon.

Samantala, nananatiling sarado ang kalsada sa bahagi ng Libertad, Abulug national highway matapos umabot sa mahigit isang metro ang tubig sa nasabing lugar. (MDCT/May ulat mula sa CPIO/PIA Cagayan)

About the Author

Mark Djeron Tumabao

Regional Editor and Social Media Manager

Region 2

An ordinary writer from Cagayan Province. 

Feedback / Comment

Get in touch