No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Modernong disaster operations center ng Carmona, ipinasilip

CARMONA CITY, Cavite (PIA) – Kasabay ng selebrasyon ng National Disaster Resilience Month nitong Hulyo, ipinasilip ng Lungsod ng Carmona ang kanilang bagong state-of-the-art operations center bilang bahagi ng lakbay aral ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Ayon kay Rommel Peneyra, Carmona City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head, ang bagong operations center ay kayang mag-monitor sa iba’t-ibang strategic location sa lungsod gaya ng kalsada, ilog, at barangay gamit ang 300 CCTVs at LED wall upang epektibong ma-monitor at mabilis na maka-responde sa mga insidente.

“Sa nakalipas na ilang sunod-sunod na taon, ang CDRRMO Carmona ang kinikilala sa Pilipinas bilang isa sa mahusay at mabilis na rumeresponde sa 100,000 residents na nakatira sa 14 barangay sa lungsod,” ani Peneyra.

Kasama ng Quezon PDRRMO ang mga miyembro ng STANd UPPPP Quezon Media Network sa isinagawang lakbay-aral sa naturang pasilidad upang malaman ang mga epektibong hakbang na ginagawa ng lungsod sa pag-responde sa kalamidad.

Kumpleto rin sa mga makabagong pasilidad ang operations center, kung saan matatagpuan din ang mga tanggapan ng lungsod gaya ng Carmona CDRRMO, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Mayor’s Office.

Maaari rin itong gamitin sa skills training seminars at iba pang pagtitipon na may kaugnay sa pag-iwas, paghahanda, pagtugon, at pagbangon sa anumang uri ng kalamidad.

Sinimulang gamitin ang operations center noong Pebrero 17, 2023 sa ilalim ng pamumuno ni Carmona Mayor Dahlia Loyola. 

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch