No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Sustainable agriculture training ikinasa ng DA sa Pangasinan

MANGALDAN, Pangasinan ,  (PIA) - Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) ng Region 1 ang pagsasanay ng mga opisyal ng Barangay Landas bayan ng Mangaldan nitong Huwebes kasabay ng paglulunsad ng Model Gulayan sa Barangay sa bayan ng Mangaldan.


Ang nasabing pagsasanay ay naglalayong ihanda ang Barangay Council ng Landas sa pagsusulong ng sustainable agriculture upang mas maihanda ang mga opisyal sa nalalapit na Gulayan sa Barangay Competition na nakatakda sa Nobyembre.


Layunin din ng programa na mabigyan ng wastong kaalaman at kakayahan ang komunidad na pangasiwaan ang kanilang produksyon ng pagkain upang mas mas mapaunlad ang food security sa bansa.


Ang Gulayan sa Barangay Program ay nasa ilalim ng Green Revolution 2.0: Plants for Bountiful Barangays Movement (Luntiang Ani ng Mamayan), isang revitalized na bersyon ng makasaysayang Green Revolution Program na pinasimulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1970s.


Ang proseso ng pagpili ay naglalayong tukuyin ang mga barangay na may potensyal na maging mahusay sa pagtataguyod ng produksyon ng gulay at sustainable farming practices.


Sa 30 napiling barangay mula sa Rehiyon 1 ay kabilang ang Barangay Landas na lalahok sa nasabing competition, matapos ang masusing pagsusuri na isinagawa ng Local Government Unit ng Mangaldan sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO).


Inaanyayahan naman ng DA Region 1 ang kinatawan ng Allied Botanical Corporation na si Rich Tauzon upang magbahagi ng mahahalagang kaalaman sa mga epektibong kasanayan para sa produksyon ng gulay at pamamahala ng mga karaniwang peste at sakit na nakakaapekto sa mga pananim.


Nagsagawa rin si Tuazon ng isang product presentation, na nagpapakita ng mga makabagong solusyon para mapahusay ang produktibidad ng agrikultura.


Binigyang-diin naman ni David John T. Rondal, Agriculturist II mula sa DA Region 1 at High-Value Crop Development Program (HVCDP) Coordinator sa Pangasinan, ang kahalagahan ng programa sa paghikayat sa mga Pilipino na magtanim ng mga gulay sa kanilang mga tahanan.


Sa paggawa nito, ang mga indibidwal ay nag-aambag sa pagpapagaan ng strain sa sistema ng pagkain at supply chain ng bansa.

Pinuri ng Municipal Agriculturist na si Merle Sali ang pagsisikap ng Landas Barangay Council bilang paghahanda sa nalalapit na kompetisyon. Kinilala rin ni Sali ang suporta ng Local na pamahalaan ng Mangaldan na nagpakita ng suporta na tulungan ang mga barangay sa pagkamit ng kahusayan sa agrikultura sa munisipalidad ng Mangaldan.


Nangako rin si Punong Barangay Mario Carbonel ng buong partisipasyon sa paghahanda ng mga hardin ng barangay, na itinatampok ang mga benepisyong maidudulot ng inisyatiba sa kanyang mga nasasakupan sa Landas. (JRC/MJTB/RPM, PIA Pangasinan)

About the Author

Odie Mamaril III

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch